
(Isang penomenolohikal na pagsisiyasat na isinulat ko noong nasa ika-apat na taon sa Pilosopiya...)
Ang Debosyon sa Nazareno: Pananampalataya o Panatisismo?
Leo R. Ocampo
 
Taong  2007, ipinagdiwang ang pagtatapos ng ika-apat na dantaon ng pagdating  sa Pilipinas ng imahen ng Hesus Nazareno lulan ng isang galyon buhat sa  Acapulco, Mexico noong Ika-10 ng Mayo 1606. Sentro ito ng isang matanda,  malawakan at matinding pagdedebosyon ng mga Pilipino bagaman nahahati  ang opinyon ng mga dalubhasa, maging sa teyolohiya at turo ng Simbahan,  ukol sa kabutihan o kawalang-kabuluhan ng tradisyong ito. Mula sa isang  pilosopikal na pananaw ang tanong ng papel na ito: pananampalataya ba o  panatisismo ang debosyon sa Nazareno?
I. Maikling Pagpapakilala at Pagsusuri sa Debosyon
 
Sapagkat  mapanganib ang pagbagtas ng mga galyon paroo’t-panaog sa Acapulco at  Maynila dahil sa mga bagyo at mga pirata, naisipan ng mga Kastilang  maglulan ng mga relihiyosong imahen upang magsilbing gabay at  tagapagtanggol ng mga ito. Kabilang sa mga ito ang imahen ng Nazareno na  dumating sa Pilipinas noong 1606, pati na ang imahen ng Inmaculada Concepcion na unang naglayag noong 1626 at nagpabalik-balik hanggang napabantog bilang patrona ng mapayapa at mabuting paglalakbay: ang Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje o mas kilala ngayon bilang Birhen ng Antipolo.
Nababalutan  ng alamat ang kuwento ng imahen ng Nazarenong itim ang kulay ng balat.  Sinasabing nangitim ang imahen dahilan sa isang sunog na naganap sa  barkong sinasakyan nito kung saan bahagya itong nasunog ngunit naisalba  naman nang buo. May nagsasabi ring sinadya ng Mehikanong manlililok na  gawing mulato ang kulay ng imahen, upang maging mas hawig sa kanyang  sariling balat kaysa sa balat ng mga mestisong mananakop.
Unang  iniluklok ang imahen sa simbahan ng mga Agostinong Rekoleto sa may  Luneta, malapit sa Intramuros, at kasalukuyan itong matatagpuan sa  Parokya ni San Juan Bautista sa Quiapo na itinanghal bilang Basilika  Menor ng yumaong Papa Juan Pablo II noong 1988.
Tuwing  Biyernes, binansagan nang “Araw ng Quiapo,” dinarayo ang imahen ng  maraming deboto mula pa sa iba’t-ibang panig ng kalakhang Maynila at mga  karatig-bayan. Sa mga araw na ito, parating nag-uumapaw sa dami ng tao  ang malaking simbahan kahit na patuloy ang pagmimisa mula ika-apat ng  madaling-araw hanggang ika-walo ng gabi. Kapansin-pansin ang haba ng  pila ng mga debotong nais na pumunas at humalik sa paa ng imahen.  Mayroon ding mga naglalakad nang paluhod patungo sa altar bagamat  ipinagbawal na ang pagsasagawa nito habang nagmimisa.
Dumaragsa naman ang mga deboto tuwing ika-9 ng Enero, ang anibersayo ng Traslacion  o paglipat sa imahen mula sa Luneta patungong Quiapo, para sa taunang  prusisyon na siyang pinakamahaba at pinakamaringal sa buong Kamaynilaan.  Siyam na araw ng nobena ang isinasagawang paghahanda na dinadaluhan ng  makapal na taong sinasakop ang buong paligid ng simbahan at umaapaw  hanggang sa mga pangunahing pambuklikong daan sa tabi nito, lalo na sa  unang Biyernes ng taon at sa mismong araw ng pista. Sa mga nakaraang  taon, dinadala muli ang imahen sa Quirino Grandstand sa Luneta kung saan  ginaganap ang mga pagmimisa, pagdarasal, pagpapahalik sa imahen at iba  pang mga palatuntunan at gawaing relihiyoso.
Hindi  bababa sa limang oras inaabot ang prusisyon na magdadala sa imahen mula  sa Luneta pauwi sa kanyang Basilika sa Quiapo. Nakayapak ang marami sa  mga nagsisidalo na karamihan ay kalalakihan na nagsisiksikan at  nagtutulakan, makalapit lamang sa imahen o kahit man lang sa mga pisi na  humihila sa carroza na sinasakyan nito  Inihahagis nila ang  kanilang mga tuwalyang puti upang ipunas ng mga kalalakihang nagbabantay  sa imahen na may pag-asang maibabalik ito sa kanila taglay na ang bisa  at pagpapala ng kanilang patron. Ang iba naman ay nag-aabang sa gilid ng  mga daan, tangan ang mga kandila at puting panyong kanilang  iwinawagayway upang magbigay-pugay sa Señor.
Tuwing  Biyernes Santo, kaugalian rin ng marami ang maglakad mula sa  kani-kanilang tahanan patungo sa Quiapo kung kailan idinaraos ang isang  mas tahimik at mas maliit ngunit dinarayo at dinurumog pa ring  prusisyon.
Buong taon, iniingatan ng mga Hijos de Nazareno,  isang samahan ng kalalakihang nangangalaga sa imahen sa loob at labas  ng prusisyon, ang kanilang patron. Buwan-buwan, sinasabon ang buhok nito  na yari sa tunay na buhok ng mga kababaihang nagpahaba ng kanilang  buhok upang ialay sa Nazareno. Nililinis at pinupunasan rin ito ng rose oil at  iba pang mamahaling pabango na siyang pinagmumulan ng pananatili ng  kintab at halimuyak ng imahen sa kabila ng kalumaan nito. Saka ito  binibihisan ng panibagong damit na purpurang hinabian ng ginto—pawang  kaloob lahat ng mga deboto at napakarami na hindi kakailanganing  mag-ulit ng damit ang Nazareno.
 
Ugat ng Debosyon
Kung kakapanayamin, iba’t-iba ang pinagmulan ng pagdedebosyon ng bawat taong pumupunta sa Quiapo upang dumulog sa Nazareno.
Mayroong  mga nagmana nito mula sa kanilang mga magulang o pamayanan. Marami kasi  sa mga parokya at maging barangay sa Maynila ang may kani-kanilang  imahen ng Nazareno na kanilang inililibot tuwing unang Biyernes ng  buwan. Dinadala nila ang mga ito sa Quiapo upang isama sa taunang  prusisyon ng “orihinal” na Nazareno upang sariwain ang kaugnayan nito sa  iisang Señor. Mayroon namang mga nagpapatuloy ng naging  “panata” ng kanilang mga magulang o na sa pagsama sa pamamanata ng mga  ito ay minsang nangako na rin sa Nazareno ng kanilang sariling panata.
“Panata”  ang pangkaraniwang pinag-iikutan ng debosyon sa Nazareno. Ito ay ang  pagbigkas sa isang pangakong tutuparin panghabang-buhay kapalit ng  pagkakaloob ng isang tiyak at mahalagang kahilingan. Sa oras ng  matinding pangangailangan, marami ang dumudulog upang humingi ng tulong kalakip ang pangakong palaging tatanawin ang biyaya kung makakamtan[1].
Mayroon namang nakatutuklas ng debosyon sa Nazareno sa pamamagitan ng kanilang paghahanap  ng makakapitan. Ganito ang kuwento ng isa sa mga tanyag na deboto ng  Nazareno na walang-iba kundi ang ating dating Pangalawang-Pangulo, Noli  de Castro, na taon-taong nagpupunta sa Quiapo upang makibahagi sa  prusisyon. Bago at nagsisimulang mamamahayag pa lang siya noon nang  unang humingi ng pamamatnubay sa Señor. Ngayon,  ipinagpapasalamat niya ang naging tagumpay ng kanyang karera sa biyaya  ng Nazareno na kanyang itinuturing na patron. Marami pa ang lumalapit na  katulad niya: mga estudyanteng humihingi ng tulong upang makapagtapos  sa kanilang pag-aaral, mga binata at dalagang humihingi ng tulong upang  makahanap ng mabuting mapapangasawa, mga maysakit na hangad ang  mapagaling, mga taong may mabigat suliranin sa pera, mga ama at ina ng  tahanan na humihingi ng tulong upang makapasok sa isang magandang  hanapbuhay at mabigyan ng masaganang buhay ang kanilang mga mag-anak.
Mayroon rin namang mga taong may nararanasang isang uring pagka-akit  sa simbahang ito kung saan higit nilang nararanasan kaysa sa iba ang  pananahan ng Maykapal. Sa pagpunas sa imahen na pudpod na ang paa sa  halik ng maraming mga deboto sa loob ng apat na siglo, nakikiisa ang  deboto sa isang nakapaninindig-balahibong pagpapamalas ng matinding  debosyon na patuloy pa hanggang ngayon.  Hindi maaring lagumin sa isang  pangungusap ngunit halos ganito: “Marami nang nakasumpong sa Panginoon  dito at malamang na narito nga Siya at masusumpungan ko rin.”
Suliranin sa Debosyon
Sa  kabila ng tanda, lawak at tindi ng pagdedebosyon ng mga tao sa  Nazareno, marami pa ring batikos ang ibinabato laban sa kaugaliang ito.  Isang pagpapatuloy raw ng animismo o pagsamba sa mga anito ang  kulto ng Nazareno na binalutan lang ng mga imahe at mensaheng  mala-Kristiyano. Hindi raw ang Panginoon kundi ang imahen ang nagiging  sentro ng debosyon at pagsamba. Halimbawa, madalas itinuturing na isang  mabisang anting-anting ang panyong naipunas sa imahen.
Ang  ganitong uring pagdedebosyon ay nagbubunsod raw ng isang mababang uri  ng Kristiyanismo. Sapagkat nakatali sa ilang tiyak na araw ng linggo at  taon ang debosyon, nagbubunga daw ito ng isang “seasonal Christianity” o  pananampalatayang pana-panahon. Daragsa ang mga deboto tuwing Biyernes  at ika-9 ng Enero upang ipahayag ang kanilang pananampalata sa Diyos  ngunit pag-uwi ay babalik rin sa dating ugali at pamumuhay kung kaya’ t  walang nagiging mabuting pagbabago sa ating lipunan sa kabila ng ating  ipinagmamalaking matinding pananalig sa Maykapal. Ayon kay Benito Reyes,  “Kristiyano tayo paminsan-minsan sa loob ng taon... patay-sindi ang  ating Kristiyanismo batay sa mga pista sa kalendaryo... mistulang isang  pista-opisyal ang Kristiyanismo sa isang mahabang taon ng pamumuhay nang  hindi ayon sa turo ni Kristo.”[2]
Ito rin daw ang  pananampalataya ng mga taong hindi nag-iisip o pananampalatayang  “sentimental” na karaniwan daw na matatagpuan sa mga ordinaryong  mamamayang Pilipino. Kabaliktaran naman nito ang pananampalatayang  “ideyolohikal” na taglay ng kakaunting taong higit na mataas ang  pinag-aralan. Sinasabing may malaking agwat sa pagitan ng mga taong  nakabatay ang pananampalataya sa pagtupad sa mga relihiyosong ritwal at  sa mga taong layong panibaguhin ang pananampalatayang Pilipino na minana  sa mga Kastila. Sinasabi ng iba na ang mga ganitong “ritwalismong  pang-Quiapo” ay paraan lamang ng pagpapanatili ng yaman at kapangyarihan  ng institusyon ng Simbahan at sa halip, ang kailangan ng mga tao ay  isang tunay na pananampalatayang naka-ugat sa isang pansarili at  direktang ugnayan sa Panginoon sa halip na sa tulong ng mga ritwal.  Hindi maaring matulay ang bangin ng agwat ng dalawang uri ng  pananampalatayang ito. Mahusay na nilalagom ni Padre Jaime Bulatao, SJ  ang ganitong pagsasalimuot sa isang madamdaming tanong: “Magiging  edukado ba ako o deboto? Sapagkat hindi maaring pareho!”[3] 
Kulang  na lang ang sabihin ng tahasan ng mga bumabatikos dito na  walang-katuturan at walang-silbi ang pananampalataya ng mga taong  katulad ng mga dumaragsa sa Quiapo, pati na sa iba pang sentro ng  pagdedebosyon tulad ng Manaoag, Antipolo, Piat, Cebu, Naga, at marami  pang iba. Basta panatisismo lamang ba o maaring pananampalata ang  debosyon sa Nazareno?
II. Pagsusuring Pilosopikal
Malayo  sa ganitong pananaw ang laman ng pahayag ng Kanyang Kabunyian,  Gaudencio Kardenal Rosales, kasalukuyang Arsobispo ng Maynila, sa  kanyang homilya noong pasinayaan ang Pagdiriwang ng Ika-apat na Dantaon  ng Hesus Nazareno, tungkol sa payak na pananampalataya ng mga simpleng  taong nagdedebosyon sa Nazareno, na hindi natin maaring basta maliitin  at pulaan:
Sa kasimplehan ng tao, kukuha siya ng panyo at hindi niya masabi, ang panyo pagsasalitain: Hesus, linisin mo ako. Hesus liwanagan mo ang isip ko... Saan  ka makakakita ng ganyang dalangin? Na ang panyo, ang kamay mo’y  papagsasalitain mo, at tanggap yan ni Hesus! Maghanap ka na ng debosyon  na ganyan! Kanya nawiwili ang taong lumapit.
Sinong  mamumula sa taong ganoon kasimple ang pananampalataya? Maging ang kamay  papagsasalitain habang hinahawakan ang Hesus Nazareno? Maghanap ka na ng  debosyon na ganyan! Hindi natin maaring pulaan ang mga taong hanggang  doon lamang ang alam na paglapit sa Diyos! Para kang mamumula kapag  pinulaan mo ang taong umiiyak sa harap ng kanyang Panginoon.
Ang  mga pagtuligsa laban sa ganitong uri ng mga debosyon ay bunsod yata ng  isang makabagong paraan ng pag-iisip. Mababakasan na ito maging sa aklat  na Noli Me Tangere na sinulat ni Jose Rizal kung saan  inilalarawan niya ang makapanatikong pananampalataya ng mga Pilipinong  kaagad na binibili ang bawat pakulo ng mga prayle. Para sa modernong  isip, bagay lang ang ganitong uri ng relihiyon sa mga taong “uto-uto” at  hindi nag-iisip at ang mga ritwal ay basta mga pakulo na  pinagkakakitaan ng institusyon ng Simbahan at walang-silbi sa mamamayan.  Ikinumpara pa nga ni Karl Marx ang ganitong uri ng relihiyon sa drogang  opium na nakalalasing at sandaling nakapagdudulot ng masarap  na pakiramdam ngunit sa bandang huli ay isa lamang pagtakas sa mga  suliranin at kasalimuutan ng tunay na buhay.
Ang Karanasan ng Naligtas
 
Taliwas  dito ang sinulat ni Mircea Eliade[4] sa kanyang penomenolohiya ng banal  na oras at banal na lugar. Para sa kanya, nararanasan natin ang Lubhang  Banal bilang isang hierophany na  nagpapakilala sa atin. Naakit tayo sa Lubhang Banal kung kaya’t  pumapaligid tayo sa mga panahon at tagpuan kung saan maari natin Siyang  masumpungan. Datapwat isinasaayos natin ang ating mga buhay at pamayanan  sa palibot ng Pinopoon na tumatayo bilang sentro ng ating daigdig (axis mundi).  Ang mga lugar at panahon na ito ay ating itinatalaga bilang mga tangi  at banal na lugar at panahon kung saan nakikipagtagpo ang pamayanan sa  Maykapal. Nagtatamo ang mga ito ng isang matinding pagtatangi (valorization) na makikita sa mga ritwal na unti-unting kumakapal sa paligid nito.
Ipinapakita niya na nagaganap ang ganitong phenomenon  nang kusa. Hindi ito tinutulak o pinipilit, bagkus bunsod ng  pagkukusang magpakilala ng Maykapal bilang isang bisang mapagligtas. Ang  pagsasa-alamat at pagsasa-ritwal ay tugon ng Tao, hindi lamang upang  tandaan at ipagdiwang ang minsanang pagdalaw ng Lubhang Banal ngunit  upang laging panatilihin, sa tuwina ay sariwain at muli’t-muli ay  makapasok sila dito, higit pa sa panahong sasapit muli ang matinding  pangangailangan.
Makikita nang malinaw ang phenomenon  na kanyang inilalarawan sa historikal na pag-unlad ng kulto ng Nazareno  ng Quiapo. Sapagkat una nang namalas ang kapangyarihan ng Lubhang Banal  sa pamamagitan ng imahen na nagligtas sa isang galyon mula sa mga  panganib ng paglalakbay, kinilala ang taglay nitong bisang mapagligtas o  potensyang soteryolohikal kung kaya’t idinambana nga nila ito sa  Luneta, at malaon ay inilipat sa Quiapo, at kusang naging sentro ng  matinding pagdedebosyon ng mga mananampalataya. Sapagkat patuloy pa rin  ang mga hierophany sa mga karanasan ng mga himala ng Nazareno,  maging mga simpleng panalangin na nabibigyang tugon, patuloy sa  pamumukadkad ang pagdedebosyon dito. Lahat sapagkat naranasan at  nararanasan pa rin nila ang maligtas!
Sa nibel ng  maramihan, makikita ang tugon bilang isang malawakang kulto ng Nazareno  na kinakatawan ng malaki at bantog na dambana sa Quiapo na siyang sentro  ng debosyon ng bayan, ang dambanang sinasabing ang “Nazareno mismo ang  siyang nagpatayo”[5]. Nang inilipat ang imahen ng Nazareno mula sa  Intramuros patungo sa Quiapo, ang maliit na distrito na dating nasa  gilid lang ng siyudad ay naging isang at marahil pinakamahalagang sentro  ng Kalakhang Maynila at masasabing kumakatawan ito sa buong lungsod,  kung hindi man sa buong bansa. Labis na nakaugnay at malalim na  naka-ugat ang mga karaniwang Pilipino sa Quiapo kaya’t maituturing na  nga ito bilang isang microcosm ng ating kulturang popular.
Sa  personal na nibel, makikita ito sa mga panata ng mga deboto kung saan  iniluluklok ang Poon sa gitna ng buhay ng namamanata bilang isang uring  sentrong pinag-iikutan kung kaya’t ang araw ng pista o ang araw ng  debosyon ay nagiging isang tanging araw at ang dambana naman ay nagiging  isang tanging tagpuan. Taon-taon man o tuwing Biyernes pa nga, dumarayo  sila dito upang sariwain ang kanilang ugnayan sa kanilang patron.  Katulad halos ng “base” sa larong pambata na “agawan-base” ang  papel ng araw at dambana ng Nazareno para sa mga deboto nito. Parati  silang lumalapit at tumutuntong dito upang makatagpo at mai-baon ang  bisa nito sa kanilang pag-uwi at pakikibaka sa mga pang araw-araw nilang  suliranin sa buhay.
Ang karanasan ng mga tao sa  pagdulog sa Nazareno sa Quiapo ay hawig yata sa karanasan ni Jacob doon  sa Bethel nang kilabutan siya at kusang winika sa kanyang sarili: Hindi  ba nakapangingilabot ang pook na ito, na walang iba kundi ang tahanan  ng Diyos at pintuan ng langit? [6] Nararanasan ng tao ang pananahan ng  Diyos bilang isang uring tahanan na may pintuan na kusang binubuksan ng  Maykapal upang patuluyin ang tao at maaring namang katukin ng tao sa  oras ng kanyang pangangailangan.
Sapagkat naligtas, ang  pista at ang dambana ay isang panalangin upang tuluyang manahan ang  Lubhang Banal na minsan nang dumalaw at patuloy na magbukas ito ng  kaniyang pintuan sa atin. Patuloy na binabalik-balikan ito upang  makipagtagpo at kumatok, makipagniig at dumulog.
Parehong Makatwiran
May  kaniya-kaniyang dahilan o katwiran ang bawat taong pumupunta sa Quiapo  at dumudulog sa paanan ng Nazareno kung kaya’t para sa kanila,  maituturing na makatwiran ang kanilang ginagampanang pagdedebosyon.  Marami sa kanila ang mayroong kilala na nakaranas na o sila pa mismo ang  nakaranas ng kapangyarihan ng Señor na minsan nang nagligtas  at simula noon ay inaasahang parating magliligtas sa kanila sa kanilang  mga pangangailangan. Ang kanilang pagdedebosyon ay kusang pagtanaw ng  tinatawag nating utang-na-loob. kaakibat ang patuloy na pananampalataya sa patrong pinopoon. Ito ay walang iba kundi isang pagsasakatawan ng panalanging anamnesis  na siyang pamamaraang gamit sa opisyal na liturhiya ng Simbahan kung  saan ginugunita ang mga mapagligtas na gawa ng Panginoon upang hilingin  na ganapin niyang muli sa kasalukuyan ang mga kababalaghang ginawa na  niya sa nakaraan. Para bang sinasabi sa Diyos na, kung nagawa niyo po noon, anupa’t  gawin niyo rin po para sa amin ngayon!
 
Para naman sa isang intelektwal, mahirap maunawaan ang ganitong phenomenon,  lalo na sa paraan ng pagpapahayag nito na lumalapit na yata sa  kahibangan. Taon-taon, marami ang naaaksidente at minsan ay mayroon pang  ilang nagbubuwis ng buhay lalo na sa araw ng pista dahil na lang sa  simpleng kapal ng mga debotong dumadalo dito. Mistulang hindi rin  “praktikal“ ang dumayo pa sa Quiapo at gumastos kung mayroon namang mga  simbahang higit na malapit sa kani-kanilang mga tinutuluyan. Hindi pa  kasama dito ang malaking halaga ng binubuhos na salapi ng mga deboto  upang tustusan ang debosyon sa Nazareno: mga mamahaling pabango at  damit, malaking dambana, maringal na pista. Mistulang hindi nga matalino  o matino ang magdebosyon sa Nazareno!
Ang buod ng suliranin sa palagay ko ay hindi ang mismong phenomenon  ng pananampalataya, kundi ang tindi ng tugon ng taong nananampalataya  na lumalampas at dumadaig sa sukat na kayang itakda at ilagda ng ating  katwiran. Habang may nakikitang katwiran ang mga deboto para sa kanilang  malabis na pagdedebosyon, (sapagkat para sa kanila, hindi pa nga ito  sapat o malabis bagkus ay kulang na kulang pa rin upang “masuklian” man  lang ang biyayang kanilang nakamtan) sabay hindi rin maka-katwiran ang  pagdedebosyon sa Nazareno at kung tutuusin ay maari ngang sabihing  humihipo na sa mga hangganan ng kalabisan at kahibangan. Para sa taong  nananampalataya, ang kanilang debosyon ay pananampalataya ngunit sa  taong bumabatikos naman ay panatisismo.
May Kaibhan sa Pagtingin
Hawig  din yata ang karanasan ng naligtas at nabiyayaan sa karanasan ng  tatlong mago sa Bibliya na pagkakita sa Sanggol na kalong ng kanyang ina  ay dagliang nagsipatirapa sa harap niya at ibinuhos ang kanilang mga  kayamanan[7]. Para sa mga taong marunong at mataas ang kinalalagyan sa  lipunan, nakagugulat ang ganitong uri ng pagkilos sa harap ng isang  abang mag-ina. Ngunit ang kaibhan ay naroon yata sa kanilang nakita at  naranasan na mahirap makita kung gagamitin lamang ang ating pagmamatino  at pangangatwiran. Para sa tatlong mago, dito tunay at tiyak na  natagpuan nila ang Diyos, maging sa hindi inaasahang kalagayan, at ang  kusa at kagyat nilang tugon—na hindi na nila kinailangan pang sukatin o  pag-isipan—ay ang sumamba nang buong isip, buong loob at buong katawan  pa sa harapan niya na agad nilang batid ay siyang tugon na pinaka-ubod  ng katwiran.
Ang taong hindi nakasalo sa biro, makitawa  man siya, ay mananatiling nagtataka kung bakit nagsitawang lahat ang  mga kasama niya. Ngunit para sa mga taong nakasalo sa biro, kusa at  hindi mapigilan ang pagtawa—kahit hindi na pagmuni-munihan o  pagbulay-bulayan pa. At hindi na nga! Ito marahil ang ugat ng ating  tanong at suliranin: mayroong kaibhan sa nakita.
Para sa taong nananampalataya, (homo religiosus)  sabi ni Eliade, may malaking kaibhan ang panahon o lunan na kinatagpuan  at tagpuan niya at ng Lubhang Banal, isang matindi at makahulugang  kaibhan. Namasid rin niya na para sa sumasampalataya, nauuna ang lantay  na karanasan ng Lubhang Banal (primary religious experience)  bago ang anupamang pagninilay o pagsusuri sa karanasang ito. Sa isang  tunay na pagpapamalas ng Banal, nababago ang lahat ng kahulugan sa buhay  ng isang tao. Kung kaya’t hindi na nagiging bahagi ang Lubhang Banal ng  dati nang umiiral na daigdig ng kahulugan at katwiran bagkus nahuhulog  ang lahat sa palibot ng karanasan ng pakikitagpo sa Lubhang Banal na  nararanasan niya bilang pinakatunay, at hindi mapagkakamaliang  katotohanan. Nag-iiba ang kanyang paningin sa daigdig—sapagkat may  nakita siya at mula noon, may nakikita na!
Para naman  sa taong hindi pa nakararanas sa Lubhang Banal, mistulang pare-pareho  lang (amorphous, homogenous) ang kapatagan ng daigdig at karanasan.  Datapwat kung ano ang ikinikilos ko sa harap halimbawa ng aking  magulang, guro o ng sinumang nakatataas sa akin, halos ganoon lang o  ganoon na ganoon rin, ang dapat na ikilos ko sa harapan ng Lubhang  Banal. Giit pa ni Eliade na hindi lubusang mapanghahawakan ang ganitong  paninindigan sapagkat maging sa taong hindi naniniwala sa Lubhang Banal,  mayroon pa ring maaaninagan at di-maiiwasang bakas ng pagtatangi na  hawig sa karanasan ng relihiyosong pagtatangi (religious valorization) ng taong sumasampalataya.
Ang  tunggalian ng pagtingin sa kulto ng Nazareno bilang pananampalataya at  bilang panatisismo ay magpapatuloy sapagkat hindi makatatagpo sa isang  pantay na lugar ang isang taong sumasampalataya at isang nagmamatinong  ipaliwanag gamit ang katwiran ang para sa kanya ay isang kakatwang phenomenon ng  pananampalataya. Ang labis para sa taong hindi sumasampalataya kung  tuusin ay kulang-na-kulang pa sa taong sumasampalataya na sukat  ipagpapalit ang lahat-lahat sapagkat nasumpungan niya ang “perlas na  pinakamahalaga” na simula noon ay nagbago at nagtakda na sa lahat ng  kanyang pagpapahalaga, at nagtatatag sa kanyang buhay at daigdig sa  palibot nito.
Ilang Panimulang Tugon
Makikitang  may katotohanan sa napagmasid ni Reyes, ngunit para sa isang taong  tunay ang pananampalataya, ang pista ay hindi isang “pista-opisyal” mula  sa “mahabang taon ng pamumuhay nang hindi ayon sa turo ni Kristo”  bagkus pina-sentro ng lahat ng panahon na nagiging “base” ng kanyang  pamumuhay ayon sa halimbawa at aral ni Hesus. Dito siya bumabalik-balik  at umuuwi upang sariwain ang kanyang kaugnayan sa Panginoon na kung wala  ay wala rin namang katuturan ang pamumuhay kuno ng ayon sa  pananampalataya na wala namang ugat liban sa kanyang isip.
“Magiging  edukado ba ako o deboto?” Maaring pareho! Malabis at napakayabang naman  yata kung pupulaan ng taong edukado ang deboto bilang taong nag-iisip,  lalo’t hindi naman niya lubos na nauunawaan ang pinagbubukalan ng  ganitong pananampalataya at sadyang labis na pagpapahayag ng damdamin.  Maaring maging isang edukado sabay deboto nang hindi ipinaghihiwalay ang  dalawa. Mistulang hindi man makatwiran, sabay malinaw na nakikita ng  sumasampalataya ang katwiran nito.
Marami man ang  pagkukulang ang mga debosyong popular, tulad ng sa aspeto ng  pagsasabuhay at pagdaloy ng ganitong pananampalataya sa pang araw-araw  na pag-uugali at gawi, hindi pinawawalang-bisa nito ang kahalagahan ng  mga pagdedebosyon na simpleng pagpapahayag ng simpleng pananampalataya  ng mga simpleng tao, ayon sa kanilang tinubuang kultura at abot-kaya.  Kung tutuusin, taglay nito ang karunungang mula sa karanasan ng mga tao  at panahong nagdaan.
Ang pagdiriwang lamang sa  Liturhiya ay hindi ang hangganan ng pagsamba ng Simbahan. Alinsunod sa  halimbawa at turo ng Panginoon, ang mga alagad ni Kristo ay nananalangin  sa katahimikan ng kani-kanilang mga silid (cf. Mt 6, 6) at nagtitipon  rin upang manalangin ayon sa mga pamamaraang kinatha ng mga taong  nakaranas nang matindi sa Banal na nagpapalakas ng loob ng mga  mananampalataya at nagtuturo sa kanila tungo sa mga tanging aspeto ng  misteryo ni Kristo. Sumasamba rin sila ayon sa mga balangkas na kusang  lumilitaw sa diwa ng Kristiyanong sambayanan kung saan ipinapahayag nang  ayon sa kulturang popular ang pinakabuod ng Ebanghelyo. (Talaan ukol sa  Debosyong Popular at ang Liturhiya, 82)
  
Ang Karanasan ng Mahal-Banal
Sa  kanyang Pilosopiya ng Relihiyon, tinutukoy ni Padre Roque Ferriols, SJ  ang karanasan ng Diyos bilang karanasan ng Mahal-Banal. Tunay nga, ang  sumasampalataya ay nakararanas sa Banal bilang kanyang minamahal,  pinakamamahal.
Para sa taong nagmamahal—at naniniwala  ako na ang lahat ng tao, kahit ang mga hindi sumasampalataya sa Diyos ay  marunong ding magmahal at maunawaan sana nila kahit ito man lang, wala  nang mas mahal pa kaysa sa kanyang mahal. Datapwat kung para sa kanyang  mahal, walang bagay ang napakamahal para hindi ibigay. Walang-hanggan  sapagkat walang hanggan ang pag-ibig. Walang labis at walang lampas  sapagkat ang pag-ibig ay bukas at wagas.
Kung tutuusin,  hindi marunong magbilang ang nagmamahal at laging lubos at buhos ang  kanyang pagbibigay na minsan ay halos lumampas na sa kahibangan. Isipin  at pagmunihan man ay hindi pa rin lubos mahuli ng pag-uunawa sapagkat  ang pag-ibig, tunay mang makatwiran ay makatwiran sa isang paraang  hindi-makakatwiran kung ang katwiran ng mga hindi umiibig ang ating  magiging sukatan. Mahiwaga at hindi lubusang maipapaliwanag ngunit para  sa taong umiibig, ang pag-ibig ang lumilikha ng sarili nitong daigdig,  maging katwiran. Pag-ibig ang sarili nitong sukatan.
Ang Sukli ng Sakripisyo
Para  sa taong sumasampalataya, utang-na-loob niya ang lahat-lahat sa kanyang  Diyos kung kaya lahat man ay handa siyang ibigay bilang tanda ng  pasasalamat, na kung tutuusin ay pawang nanggaling rin namang lahat sa  Kanya, na may pananampalatayang hindi siya tatalikuran nito. Nararanasan  niya ang Panginoon bilang saligan at nagpapadanay ng kanyang buong  daigdig: universalis columna quasi sustinens omnia[8]. Datapwat  nais niya ang palaging lumapit dito, sana pa ay manahan sa piling nito  na kinikilala niya bilang sentro ng kanyang buhay at daigdig.
Anumang tugon ay isa lamang sakripisyo—isang salitang galing sa pinagsamang mga salitang Latin na sacer at facere:  gawing Banal. Dalawang persona ang nagpapabanal sa lugar at panahon ng  kanilang tagpuan: ang Panginoon na kusang nagbubukas ng kanyang sarili  at ang abang taong nagbubukas-loob rin sa Diyos sa isang uring “puwang”  na sinasabi ni Eliade ay pook ng pagtawid paroo’t-panaog mula sa langit  at lupa at lugar ng pakikipag-usap sa Lubhang Banal. Sapagkat hindi  natin kayang lumipad nang diretso patungo sa langit, kailangan natin ang  ganitong uring hagdan na ang Maykapal mismo ang kusang naglalawit.
Kung magkukwentahan, sasabihin ng taong sumasampalataya na ang kanyang tugon, gaano man kalabis sa mata ng nagmamasid, ay sukli  lang, napakaliit kung ikukumpara sa halagang ibinayad ng sinuklian.  Palaging tanong at tanong na gumagawa ng sumasampalataya ang: Quid retribuam Domino pro omnibus quae retribuit mihi?  Paano ako makasusukli sa Panginoon sa lahat na kanyang ibinigay sa  akin? Hindi na tayo dapat magulat kung sukat ibuhos niya rin ang kanyang  lahat-lahat.
Sa wakas, hindi pa rin natin masasagot  nang tapos sa papel na ito ang umiiral na tanong: Pananampalataya ba o  panatisismo ang debosyon sa Nazareno? Bilang isang mag-aaral ng  pilosopiya, magiging tapat lamang ako sa katotohanan kung iiwanan ko  itong bukas pa rin. Hiling ko lang sana ay maging bukas rin at sikaping  dumanas muna bago humusga. Maari rin sana ang magbaka-sakali: hindi  isang pagbabakasakali na tumatantiya at naninigurado ngunit isang  pagbabaka-sakali na mapagkumbabang naghahanap at totoong nauuhaw sa  Lubhang Banal.
“Marami nang nakasumpong sa Panginoon  dito, at malamang na narito nga Siya at masusumpungan ko rin.” Bilang  sumasampalataya, batid ko na sa aking puso ang kasagutan.
  
Sanggunian
Congregation for Divine Worship and the Discipline of the Sacraments. Directory on Popular Piety and the Liturgy. (Lungsod ng Vaticano: Libreria Editrice Vaticana, 2001)
Eliade, Mircea. Sacred Space and Making the World Sacred. Sinipi sa A. Rodriguez, ed. Compilation of Readings for Ph103: Philosophy of Religion. (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University, 2006.) 
Elwood, Douglas, J. at Patricia Ling Magdamo. Christ in Philippine Context. (Lungsod Quezon: New Day Publishers, 1991.) 
Basilika ng Nazareno. Inside Quiapo. (Booklet)
________________. Minor Basilica of the Black Nazarene. (Leaflet)
________________. Nuestro Padre Jesus Nazareno: 400 Years. (DVD)
http://nazareno400.com/index.html
http://www.rcam.org/Homilies/2006/archbishop%20rosales/message_400_hundred_years_nazareno.htm
______________________
[1]  Halimbawa, may malubhang sakit noon ang batang-bata kong pinsan nang  imungkahi ng aking nanay na matagal nang deboto ng Nazareno na pumunta  sila sa Quiapo at mamanata nang may hiling na pagalingin ang bata.  Bagamat masugid rin naman ang ginawang pagpapagamot sa ospital,  ipinagpasalamat nila sa Panginoon ang paggaling ng murang sanggol na  isang dalaga na ngayon. Mula noon, nagsisimba sila o “isinisimba” ang  bata tuwing pista ng Quiapo upang tuparin ang kanilang panata sa  Nazareno.
[2] Sinipi ng aklat na Christ in Philippine Context  nina Douglas J. Elwood at Patricia L. Magdamo sa pahina 5 nito: “We are  Christians at certain seasons of the year… our Christianity comes on  and off according to certain dates of the calendar… Christianity it  seems, is like some special holiday in a year of un-Christianity.”
[3] Parehong akda, pahina 11. “Shall I be educated or pious, for I cannot be both!”
[4]  Si Mircea Eliade ay isang pilosopo, historyador ng relihiyon at  manunulat na taga-Romania. Isa siya sa mga pangunahing pilosopong  sinisikap unawain at ipaliwanag ang Karanasan ng Lubhang Banal  (religious experience) at ang tugon ng tao sa karanasang ito.
[5]  Tinawag na ganito sapagkat naging kusa at bukas-palad ang pagbibigay ng  mga deboto kung kaya’t hindi na kinailangan pang lumikom ng pondo upang  maitayo ang magarang Basilika, bagkus agad na itong bumuhos
[6] Genesis 28: 17. Pavensque quam terribilis inquit est locus iste non est hic aliud nisi domus Dei et porta caeli.
[7] Matthew 2:11  Et intrantes domum invenerunt puerum cum Maria matre eius et procidentes adoraverunt eum.
[8] Sinipi ni Eliade mula kay Rudolf of Fulda sa kanyang pahina 35.