Sunday, March 11, 2007

Ikatlong Araw: San Jose, Huwaran ng Paghahanap kay Hesus

Marso 18
Ikatlong Araw
San Jose, Huwaran ng Paghahanap kay Hesus


PASIMULA

Puti ang kulay ng mga kasuotan, o lila kung panahon ng Kuwaresma. Magpuprusisyon patungo sa dambana gaya ng dati at magbibigay galang. Aawit ang lahat ng masayang awit.

Sa Piging na Handog
(Aldrin Carlos-Marius Villaroman) /
Pagmamahal sa Panginoon (Eduardo Hontiveros, SJ)

Dadako ang pari sa upuan at pasisimulan ang pagdiriwang.

Pari:

Pasimulan natin ang ating pagdiriwang
sa Ngalan ng Ama at ng Anak
+
at ng Espiritu Santo.

Lahat: Amen.

Pari: Sumainyo ang Panginoon.

Lahat: At sumainyo rin.


PAMBUNGAD SA PAGDIRIWANG

Ipakikilala ng pari ang pagdiriwang sa ganito o katulad na mga salita:

Ipagdangal natin ang Diyos
Sa huling araw ng ating paghahanda
sa dakilang kapistahan ng ating pintakasing si San Jose.

Sa katahimikan niya sa Ebanghelyo,
makikita ang kanyang taimtim na paghahanap.
Hinanap niya ang pinakamatuwid na hakbang
sa pagsubok sa kanilang magka-tipan.
Hinanapan niya ng masisilungan
ang kanyang mag-ina sa Belen.
Humanap siya ng paraan upang mabuhay sila
sa Ehipto, sa Nasaret at itinaguyod sila.

Kasama si Maria,
hanap-hanap niya si Hesus
sa gitna ng madla, sa gitna ng lahat.

Humingi tayo ng liwanag sa Diyos
upang tayo man ay pukawin niya na laging maghanap
at itulot sa atin na siya ay ating masumpungan.

Sandalin tatahimik ang lahat.


KYRIE

Pari:

Panginoong Hesus,
Ikaw ang ligaya ng aming mga pusong napapagal.
Panginoon, kaawaan mo kami.

Lahat: Panginoon, kaawaan mo kami.

Pari:

Panginoong Hesus,
Narito ka sa aming piling at naghihintay na masumpungan.
Kristo, kaawaan mo kami.

Lahat: Kristo, kaawaan mo kami.

Pari:

Panginoong Hesus,
Inaakay mo kami tungo sa iyo at sa Ama.
Panginoon, kaawaan mo kami.

Lahat: Panginoon, kaawaan mo kami.

Pari:

Kaawaan tayo ng makapangyarihang Diyos,
patawarin ang ating mga kasalanan
at akayin tayo sa buhay na walang hanggan.

Lahat: Amen.


PANALANGIN

Pari:

Manalangin tayo.

Sandaling tatahimik ang lahat.

Ama naming mapagmahal,
nilikha mo kami para sa iyong sarili

at palagi ka naming inaasam.

Ipagkaloob mo sa amin ang paghahanap ni San Jose
na mataimtim na sumunod sa mga bakas ng iyong Anak.

Sa Ngalan ni Kristong aming Panginoon.

Lahat: Amen.


PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS

Halos parating pumapatak sa panahon ng Kuwaresma ang mga araw na ito kung kaya’t ang gagamitin sa Misa ay yaong mga pagbasa ng Kuwaresma. Kung panahon ng karaniwang panahon, maaring gamitin ang mga mungkahing pagbasa.

Unang Pagbasa
Hanap ko siya na aking iniibig
Awit ni Solomon 3: 1-4

Salmong Tugunan
Hangarin ng Puso Ko
Batay sa Salmo 1/ Arnel Aquino, SJ

Ebanghelyo
Hinanap ka namin ng iyong ama
Lukas 2: 41-52


HOMILIYA

Ang pangaral sa mga araw na ito, lalo na kung panahon ng Kuwaresma kung kailan ibang mga pagbasa ang gagamitin, ay hindi lamang magbibigay tuon sa Ebanghelyo, ngunit maging sa mga itinakdang tema ng mga araw ng paghahanda at sa katauhan ni San Jose na sinisikap ipakilala sa pamamagitan ng triduum na ito bilang huwaran ng pagtugon sa tawag ng Diyos lalo at higit para sa pamayanan ng seminaryo.


PANALANGIN NG BAYAN

Pari:

Tumawag tayo sa ating Ama nang may buong pagtitiwala.
Bago pa man tayo humingi, batid na niya ang ating nasa.

Panginoon, ipakita mo sa amin ang iyong pag-ibig.


Para sa Simbahan
nang palaging masumpungan sa kanya ng mga taong naghahanap
ang pag-ibig at pananahan ng Panginoon.

Para sa ating Bayan,
upang matamo sa Panginoon
ang kapayapaang matagal nang inaasam.

Para sa bawat isa sa atin,
na patuloy na maghanap sa Panginoon
at siya ay masumpungan.

Para sa mga nagtatanong at naghahanap
ng katotohanan at kahulugan.
nang matagpuan nila ang Panginoon.

Para sa mga ulila
upang makahanap ng kadluang mag-aalaga sa kanila
at gagabay sa kanilang paglaki.

Pari:

Ama naming mapagmahal,
ikaw ang sa tuwina ay aming nais
at ikaw lamang ang makapupuno sa lahat naming hangad.
Turuan mo kaming maghanap sa iyong Anak
tulad ng iyong lingkod na si San Jose,
sa gitna ng lahat sa aming buhay.

Sa ngalan ni Kristong Aming Panginoon.

Lahat: Amen.

Magpapatuloy ang Misa sa karaniwang ayos. Maaring gamitin ang Pambungad ni San Jose, maliban kung sa panahon ng Kuwaresma.


PANALANGIN KAY SAN JOSE

Gaganapin matapos ang Panalangin Pagkapakinabang. Aawit and lahat ng angkop na awit. Samantala, iinsensuhan ng pari ang larawan ni San Jose.

Dunong ng Puso (Noel Jose Labendia – Marius Villaroman)

Matapos ay uusalin ng lahat:

Pintakasi naming San Jose,
sa seminaryong ito na itinatalaga sa iyong pamamatnubay,
hiling namin ang iyong patuloy na pamamagitan.
Ikaw ang aming halimbawa at huwaran,
ipakita mo sa amin ang iyong landas ng pagtugon sa tawag ng Diyos.

Tinawag ka ng Panginoon
sa gitna ng iyong buhay
upang sumunod sa kanya
sa landas na ipinatatahak niya sa iyo.
Palaging nakatuon sa kanya ang iyong isip at puso.
Hanap mo ang kanyang kalooban sa bawat sandali,
bawat galak, bawat suliranin.
Kasama si Maria,
hinanap mo si Hesus sa gitna ng madla,
at inanyayahan mo siyang umuwi,
at mabuhay na kasama mo
at manahan sa iyong tahanan.

Naging marunong ang iyong puso
sa paghahanap sa Panginoon
‘pagkat lubos ang iyong pagmamahal sa kanya
at pakikinig sa kanyang kalooban.

Ituro mo sa amin ang iyong paghahanap kay Hesus
sa pagtugon sa tawag ng Diyos
nang may pusong palaging nakatuon sa Kanya
sa gitna ng lahat.
Huwag nawa kaming mawalan ng patutunguhan,
bagkus laging italaga ang aming sarili
sa pagsunod sa kanya.

Ikaw ang aming Ama,
gabayan mo kami at patnubayan.
Ikaw ang aming huwaran,
samahan mo kami sa aming landas.
Ikaw na pumanday sa Panday ng mga alagad,
Hubugin mo kami sa wangis ng iyong Anak.

Amen.



HULING PAGBABASBAS

Aaanyayahan ng diyakono o ng pari na yumuko ang mga tao upang hingin ang pagbabasbas ng Diyos:

Nang may pananalig sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria
at ng ating pinatakasi na si San Jose,
dumulog tayo sa Diyos at hingin na igawad niya sa atin
ang kanyang pagpapala.

Sandaling tatahimik ang lahat.

Pari:

Diyos Ama ang lumikha sa ating pusong uhaw
Palagi nawa niya tayong akitin sa kanyang sarili.

Lahat:
Amen.

Pari:

Si Hesukristo ang nagdadala sa atin sa Ama
Palagi nawa niya tayong akayin tungo sa Kanya.

Lahat: Amen.

Pari:

Diyos Espiritu Santo ang nagtuturo ng landas.
Siya nawa ang pumatnubay sa ating paghahanap.

Lahat: Amen.

Pari:

At pagpalain kayo ng Makapangyarihang Diyos
Ama, Anak
+ at Espiritu Santo.

Lahat: Amen.


PAGHAYO

Diyakono, o Pari:

Tapos na ang Misa,
Humayo kayong taglay ang pagpapala ng Diyos.

Lahat: Salamat sa Diyos.

Aawit ng angkop na awit.


San Jose, Manggagawa
Hontiveros, SJ

San Jose! San Jose!
Pintakasing dakila ng manggagawa
sa Simbaha’y lagi kang nagbabantay.
Amang butihing gabay sa lupa
ni Hesukristong dinarakila

Kamiý dumudulog sa ‘yong pamamagitan
Sa Diyos naming Amang mapagmahal
na sana’y pagyamanin at pagpalain
ang seminaryo naming tahanan.

O San Jose!
O San Jose!

2 Comments:

At 1:33 PM , Blogger Unknown said...

If you want to look ed hardy clothes and feel sexy, a Christian audigier maternity cocktail ed hardy shoes dress may be the ed hardy outlet fashion choice. There ed hardy Bikini are a variety ed hardy hats of cocktail dresses ed hardy swimsuits available, from a sexy ed hardy clothing black to an eye catching red. You can ed hardy glasses either choose a dramatic wrap-dress ed hardy or a sophisticated jersey dress. There ed hardy iphone cases are a variety of styles, patterns, and designs ed hardy dresses to suit any occasion. If you are looking for a bit more ed hardy Jackets dazzle, consider a comfy waist band mini skirt.

 
At 9:06 PM , Blogger yanmaneee said...

coach outlet online
fila
kyrie 5
nike shox for men
kd shoes
supreme clothing
adidas yeezy
nfl jerseys
lebron 11
christian louboutin shoes

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home