Friday, February 16, 2007

Ang Kulto ng Nazareno: Pananampalataya o Panatisismo?

Narito ang isa pang papel na isinulat ko naman para sa kursong Ph103 (Philosophy of Religion) sa ilalim ni G. Agustin Martin G. Rodriguez, Ph.D. Bagamat sadyang pilosopikal ang papel na ito, humihipo pa rin sa teyolohiya at liturhiya, sa pagtalakay nito sa tanyag na Kulto ng Nazareno sa Quiapo.
***
Ang Kulto ng Nazareno: Pananampalataya o Panatisismo?

Leo R. Ocampo

Ipinagdiriwang ngayon ang ika-apat na dantaon ng pagdating sa Pilipinas ng imahen ng Hesus Nazareno lulan ng isang galyon buhat sa Acapulco, Mexico noong Ika-10 ng Mayo 1606. Sentro ito ng isang matanda, malawakan at matinding pagdedebosyon ng mga Pilipinong Katoliko bagaman nahahati ang opinyon ng mga dalubhasa, maging sa teyolohiya at turo ng Simbahan, ukol sa kabutihan o kawalang-kabuluhan ng kaugaliang ito. Mula sa isang pilosopikal na pananaw ang tanong ng papel na ito: pananampalataya ba o panatisismo ang kulto ng Nazareno?

I. Maikling Pagpapakilala at Pagsusuri sa Kulto ng Nazareno
Sapagkat mapanganib ang pagbagtas ng mga galyon paroo’t-panaog sa Acapulco at Maynila dahil sa mga bagyo at mga pirata, naisipan ng mga Kastilang maglulan ng mga relihiyosong imahen upang magsilbing gabay at tagapagtanggol ng mga ito. Kabilang sa mga ito ang imahen ng Nazareno na dumating sa Pilipinas noong 1606, pati na ang imahen ng Imaculada Concepcion na unang naglayag noong 1626 at nagpabalik-balik hanggang napabantog bilang patrona ng kapayapaan at mabuting paglalakbay: ang Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje o mas kilala ngayon bilang Birhen ng Antipolo.

Nababalutan ng alamat ang kuwento ng imahen ng Nazarenong itim ang kulay ng balat. Sinasabing nangitim ang imahen dahilan sa isang sunog na naganap sa barkong sinasakyan nito kung saan bahagya itong nasunog ngunit naisalba naman nang buo. May nagsasabi ring sinadya ng manlililok na gawing mulato ang kulay ng imahen, upang maging mas hawig sa kanyang sariling balat kaysa sa balat ng mga mestisong mananakop.

Unang iniluklok ang imahen sa simbahan ng mga Agostinong Rekoleto sa may Luneta, malapit sa Intramuros, at kasalukuyan itong matatagpuan sa Parokya ni San Juan Bautista sa Quiapo na itinanghal bilang Basilika Menor ng Nazareno ng yumaong Papa Juan Pablo II noong 1988.

Debosyon sa Nazareno
Tuwing Biyernes, binansagan nang “Araw ng Quiapo,” dinarayo ang imahen ng maraming deboto mula pa sa iba’t-ibang panig ng kalakhang Maynila at mga karatig-bayan. Sa mga araw na ito, parating nag-uumapaw sa dami ng tao ang malaking simbahan kahit na patuloy ang pagmimisa mula alas-kwatro ng madaling-araw hanggang alas-otso ng gabi. Kapansin-pansin ang haba ng pila ng mga debotong nais na pumunas at humalik sa paa ng imahen. Mayroon ding mga naglalakad nang paluhod patungo sa altar bagamat ipinagbawal na ang pagsasagawa nito habang nagmimisa.

Dumaragsa naman ang mga deboto tuwing ika-9 ng Enero para sa taunang prusisyon ng imahen na siyang pinakamahaba at pinakamaringal sa buong Kamaynilaan. Siyam na araw ng nobena ang isinasagawang paghahanda na dinadaluhan ng makapal na taong sinasakop ang buong paligid ng simbahan at umaapaw hanggang sa Quezon Boulevard na siyang pangunahing pambuklikong daan sa tabi nito, lalo na sa unang Biyernes ng taon at sa mismong araw ng pista. Magpapasko pa lang ay itinatayo na ang isang malaking entablado sa Plaza Miranda na nasa tapat ng Simbahan kung saan ginaganap ang iba’ t-ibang mga palatuntunan at gawain, relihiyoso man o sibil.

Hindi bababa sa limang oras inaabot ang prusisyon na inilalabas nang tanghaling-tapat. Nakayapak ang marami sa mga nagsisidalo na pawang kalalakihan na nagsisiksikan at nagtutulakan, makalapit lamang sa imahen o kahit man lang sa mga pisi na humihila sa carroza na sinasakyan nito Inihahagis nila ang kanilang mga tuwalyang puti upang ipunas ng mga kalalakihang nagbabantay sa imahen na may pag-asang maibabalik ito sa kanila taglay na ang bisa at pagpapala ng kanilang patron. Ang iba naman ay nag-aabang sa gilid ng mga daan, taglay ang mga kandila at puting panyong kanilang iwinawagayway upang magbigay-pugay sa Señor.

Tuwing Biyernes Santo, kaugalian rin ng marami ang maglakad mula sa kani-kanilang tahanan patungo sa Quiapo kung kailan idinaraos ang isang mas tahimik at mas maliit ngunit dinarayo at dinurumog pa ring prusisyon.

Buong taon, iniingatan ng mga Hijos de Nazareno, isang samahan ng kalalakihang nangangalaga sa imahen sa loob at labas ng prusisyon, ang kanilang patron. Buwan-buwan, sinasabon ang buhok nito na yari sa tunay na buhok ng mga kababaihang nagpahaba pa ng kanilang buhok upang ialay sa Nazareno. Nililinis at pinupunasan rin ito ng rose oil at iba pang mamahaling pabango na siyang pinagmumulan ng pananatili ng kintab at halimuyak ng imahen sa kabila ng kalumaan nito. Saka ito binibihisan ng panibagong damit na purpurang hinabian ng ginto—pawang kaloob lahat ng mga deboto at napakarami na hindi kakailanganing mag-ulit ng damit ang Nazareno.

Ugat ng Debosyon
Kung kakapanayamin, iba’t-iba ang pinagmulan ng pagdedebosyon ng bawat taong pumupunta sa Quiapo upang dumulog sa Nazareno.

Mayroong mga nagmana nito mula sa kanilang mga magulang o pamayanan. Marami kasi sa mga parokya at maging barangay sa Maynila ang may kani-kanilang imahen ng Nazareno na kanilang inililibot tuwing unang Biyernes ng buwan. Dinadala nila ang mga ito sa Quiapo upang isama sa taunang prusisyon ng “orihinal” na Nazareno upang sariwain ang kaugnayan nito sa iisang Señor. Mayroon namang mga nagpapatuloy ng naging “panata” ng kanilang mga magulang o na sa pagsama sa pamamanata ng mga ito ay minsang nangako na rin sa Nazareno ng kanilang sariling panata.

Panata” ang pangkaraniwang pinag-iikutan ng debosyon sa Nazareno. Ito ay ang pagbigkas sa isang pangakong tutuparin panghabang-buhay kapalit ng pagkakaloob ng isang tiyak at mahalagang kahilingan. Sa oras ng matinding pangangailangan[1], marami ang dumudulog upang humingi ng tulong kalakip ang pangakong palaging tatanawin ang biyaya kung makakamtan.

Mayroon namang nakatutuklas ng debosyon sa Nazareno sa pamamagitan ng kanilang paghahanap ng makakapitan. Ganito ang kuwento ng isa sa mga tanyag na deboto ng Nazareno na walang-iba kundi ang ating kasalukuyang Pangalawang-Pangulo, Noli de Castro, na taon-taong nagpupunta sa Quiapo upang makibahagi sa prusisyon. Bago at nagsisimulang mamamahayag pa lang siya noon nang unang humingi ng pamamatnubay sa Señor. Ngayon, ipinagpapasalamat niya ang naging tagumpay ng kanyang karera sa biyaya ng Nazareno na kanyang naging patron. Marami pa ang lumalapit na katulad niya: mga estudyanteng humihingi ng tulong upang makapagtapos sa kanilang pag-aaral, mga binata at dalagang humihingi ng tulong upang makahanap ng mabuting mapapangasawa, mga maysakit na hangad ang mapagaling, mga taong may mabigat suliranin sa pera, mga ama at ina ng tahanan na humihingi ng tulong upang makapasok sa isang magandang hanapbuhay at mabigyan ng masaganang buhay ang kanilang mag-anak.

Mayroon rin namang mga taong may nararanasang isang uring pag-akit sa simbahang ito kung saan higit nilang nararanasan kaysa sa iba ang pananahan ng Maykapal. Sa pagpunas sa imahen na pudpod na ang paa sa halik ng maraming mga deboto sa loob ng apat na siglo, nakikiisa ang deboto sa isang nakapaninindig-balahibong pagpapamalas ng matinding debosyon na patuloy pa hanggang ngayon. Hindi maaring lagumin sa isang pangungusap ngunit halos ganito: “Marami nang nakasumpong sa Panginoon dito, at malamang na narito nga Siya at masusumpungan ko rin.”

Suliranin sa Debosyon
Sa kabila ng tanda, lawak at tindi ng pagdedebosyon ng mga tao sa Nazareno, marami pa ring batikos ang ibinabato laban sa kaugaliang ito. Isang pagpapatuloy raw ng animismo o pagsamba sa mga anito ang kulto ng Nazareno na binalutan lang ng mga imahe at mensaheng mala-Kristiyano. Hindi raw ang Panginoon kundi ang imahen ang nagiging sentro ng debosyon at pagsamba. Halimbawa, madalas itinuturing na isang mabisang anting-anting ang panyong naipunas sa imahen.

Ang ganitong uring pagdedebosyon ay nagbubunsod raw ng isang mababang uri ng Kristiyanismo. Sapagkat nakatali sa ilang tiyak na araw ng linggo at taon ang debosyon, nagbubunga daw ito ng isang “seasonal Christianity” o pananampalatayang pana-panahon. Daragsa ang mga deboto tuwing Biyernes at ika-9 ng Enero upang ipahayag ang kanilang pananampalata sa Diyos ngunit pag-uwi ay babalik rin sa dating ugali at pamumuhay kung kaya’ t walang nagiging mabuting pagbabago sa ating lipunan sa kabila ng ating ipinagmamalaking matinding pananalig sa Maykapal. Ayon kay Benito Reyes, “Kristiyano tayo paminsan-minsan sa loob ng taon... patay-sindi ang ating Kristiyanismo batay sa mga pista sa kalendaryo... mistulang isang pista-opisyal ang Kristiyanismo sa isang mahabang taon ng pamumuhay nang hindi ayon sa turo ni Kristo.”[2]

Ito daw ang pananampalataya ng mga taong hindi nag-iisip o pananampalatayang “sentimental” na karaniwan daw na matatagpuan sa mga karaniwang mamamayang Pilipino. Kabaliktaran naman nito ang pananampalatayang “ideyolohikal” na taglay ng kakaunting taong higit na mataas ang pinag-aralan. Sinasabing may malaking agawat sa pagitan ng mga taong nakabatay ang pananampalataya sa pagtupad sa mga relihiyosong ritwal at sa mga taong layong panibaguhin ang pananampalatayang Pilipino na minana sa mga Kastila. Sinasabi ng iba na ang mga ganitong “ritwalismong pang-Quiapo” ay paraan lamang ng pagpapanatili ng yaman at kapangyarihan ng institusyon ng Simbahan at sa halip, ang kailangan ng mga tao ay isang tunay na pananampalatayang naka-ugat sa isang pansarili at direktang ugnayan sa Panginoon sa halip na sa tulong ng mga ritwal. Hindi maaring matulay ang bangin ng agwat ng dalawang uri ng pananampalatayang ito. Mahusay na nilalagom ni Padre Jaime Bulatao, SJ ang ganitong pagsasalimuot sa isang madamdaming tanong: “Magiging edukado ba ako o deboto? Sapagkat hindi maaring pareho!”[3]

Kulang na lang ang sabihin ng tahasan ng mga bumabatikos dito na walang-katuturan at walang-silbi ang pananampalataya ng mga taong katulad ng mga dumaragsa sa Quiapo, pati na sa Manaoag, sa Antipolo, sa Peñafrancia sa lungsod ng Naga, at marami pang iba. Basta panatisismo lamang ba o maaring pananampalata ang debosyon sa Nazareno?

II. Pagsusuring Pilosopikal
Malayo sa ganitong pananaw ang laman ng pahayag ng Kanyang Kabunyian, Gaudencio Kardenal Rosales, kasalukuyang Arsobispo ng Maynila, sa kanyang pangaral noong pasinayaan ang Dakilang Taon ng Pagdiriwang (Jubilee) ng Hesus Nazareno, tungkol sa payak na pananampalataya ng mga simpleng taong nagdedebosyon sa Nazareno, na hindi natin maaring basta maliitin at pulaan:

Sa kasimplehan ng tao, kukuha siya ng panyo at hindi niya masabi, ang panyo pagsasalitain: Hesus, linisin mo ako. Hesus liwanagan mo ang isip ko... Saan ka makakakita ng ganyang dalangin? Na ang panyo, ang kamay mo’y papagsasalitain mo, at tanggap yan ni Hesus! Maghanap ka na ng debosyon na ganyan! Kanya nawiwili ang taong lumapit.

Sinong mamumula sa taong ganun kasimple ang pananampalataya? Maging ang kamay papagsasalitain habang hinahawakan ang Hesus Nazareno? Maghanap ka na ng debosyon na ganyan! Hindi natin maaring pulaan ang mga taong hanggang doon lamang ang alam na paglapit sa Diyos! Para kang mamumula kapag pinulaan mo ang taong umiiyak sa harap ng kanyang Panginoon.

Ang mga pagtuligsa laban sa ganitong uri ng mga debosyon ay bunsod yata ng isang makabagong uso ng pag-iisip. Mababakasan na ito maging sa aklat na Noli Me Tangere na sinulat ni Jose Rizal kung saan inilalarawan niya ang makapanatikong pananampalataya ng mga Pilipinong kaagad na binibili ang bawat pakulo ng mga prayle. Para sa modernong isip, bagay lang ang ganitong uri ng relihiyon sa mga taong “uto-uto” at hindi nag-iisip at ang mga ritwal ay basta mga pakulo na pinagkakakitaan ng institusyon ng Simbahan at walang-silbi sa mamamayan.

Ang Karanasan ng Naligtas
Taliwas dito ang sinulat ni Mircea Eliade[4] sa kanyang penomenolohiya ng banal na oras at banal na lugar. Para sa kanya, nararanasan natin ang Lubhang Banal bilang isang hierophany na nagpapakilala sa atin. Naakit tayo sa Lubhang Banal kung kaya’t pumapaligid tayo sa mga panahon at tagpuan kung saan maari natin Siyang masumpungan. Datapwat isinasaayos natin ang ating mga buhay at pamayanan sa palibot ng Pinopoon na tumatayo bilang sentro ng ating daigdig (axis mundi). Ang mga lugar at panahon na ito ay ating itinatalaga bilang mga tangi at banal na lugar at panahon kung saan nakikipagtagpo ang pamayanan sa Maykapal. Nagtatamo ang mga ito ng isang matinding pagtatangi (valorization) na makikita sa mga ritwal na unti-unting kumakapal sa paligid nito.

Ipinapakita niya na nagaganap ang ganitong phenomenon nang kusa at hindi tinutulak o pinipilit, bagkus bunsod ng pagkukusang magpakilala ng Maykapal bilang isang bisang mapagligtas. Ang pagsasa-alamat at pagsasa-ritwal ay tugon ng Tao, hindi lamang upang tandaan at ipagdiwang ang minsanang pagdalaw ng Lubhang Banal ngunit upang laging panatilihin, sa tuwina ay sariwain at muli’t-muli ay makapasok sila dito, higit pa sa panahong sasapit muli ang matinding pangangailangan.

Makikita nang malinaw ang phenomenon na kanyang inilalarawan sa historikal na pag-unlad ng kulto ng Nazareno ng Quiapo. Sapagkat una nang namalas ang kapangyarihan ng Lubhang Banal sa pamamagitan ng imahen na nagligtas sa isang galyon mula sa mga panganib ng paglalakbay, kinilala ang taglay nitong bisang mapagligtas o potensyang soteryolohikal kung kaya’t idinambana nga nila ito sa Luneta, at malaon ay inilipat sa Quiapo, at kusang naging sentro ng matinding pagdedebosyon ng mga mananampalataya. Sapagkat patuloy pa rin ang mga hierophany sa mga karanasan ng mga himala ng Nazareno, maging mga simpleng panalangin na nabibigyang tugon, patuloy sa pamumukadkad ang pagdedebosyon ng mga tao. Lahat sapagkat naranasan nila ang maligtas!

Sa nibel ng maramihan, makikita ang tugon bilang isang malawakang kulto ng Nazareno na kinakatawan ng malaki at mayamang dambana sa Quiapo na siyang sentro ng debosyon ng bayan, ang dambanang sinasabing ang “Nazareno mismo ang nagtatag”[5]. Nang inilipat ang imahen ng Nazareno mula sa Intramuros patungo sa Quiapo, ang maliit na distrito na dating nasa gilid lang ng siyudad ay naging isang mahalagang sentro ng Kalakhang Maynila[6]. Naging sentro na rin ito ng kalakalan. Labis na nakaugnay at naka-ugat ang mga karaniwang Pilipino sa Quiapo kaya’t itinuturing na nga ito bilang isang microcosm ng ating kulturang popular.

Sa personal na nibel, makikita ito sa mga panata ng mga deboto kung saan iniluluklok ang Poon sa gitna ng buhay ng namamanata bilang isang uring sentrong pinag-iikutan kung kaya’t ang araw ng pista o ang araw ng debosyon ay nagiging isang tanging araw at ang dambana naman ay nagiging isang tanging tagpuan. Taon-taon man o tuwing Biyernes pa nga, dumarayo sila dito upang sariwain ang kanilang ugnayan sa kanilang patron. Katulad ng “base” sa larong ng mga bata na “agawan-base” ang papel ng araw at dambana ng Nazareno para sa mga deboto nito. Parati silang lumalapit at tumutuntong dito upang makatagpo at maibaon ang bisa nito sa kanilang pag-uwi at pakikibaka sa mga pang araw-araw nilang suliranin sa buhay.

Ang karanasan ng mga tao sa pagdulog sa Nazareno sa Quiapo ay hawig yata sa karanasan ni Jacob doon sa Bethel nang kilabutan siya at kusang winika sa kanyang sarili: Hindi ba nakapangingilabot ang pook na ito, na walang iba kundi ang tahanan ng Diyos at pintuan ng langit? [7] Nararanasan ng tao ang pananahan ng Diyos bilang sabay isang uring pintuan na kusang binubuksan ng Maykapal upang patuluyin ang tao at maaring katukin ng tao sa oras ng kanyang pangangailangan.

Sapagkat naligtas, ang pista at ang dambana ay isang panalangin upang tuluyang manahan ang Lubhang Banal na minsan nang dumalaw at patuloy na magbukas ito ng kaniyang pintuan sa atin. Patuloy na binabalik-balikan upang makipagtagpo at kumatok, makipagniig at dumulog.

Parehong Makatwiran
May kaniya-kaniyang dahilan o katwiran ang bawat taong pumupunta sa Quiapo at dumudulog sa paanan ng Nazareno kung kaya’t para sa kanila, maituturing na makatwiran ang kanilang ginagampanang pagdedebosyon. Marami sa kanila ang mayroong kilala na nakaranas na o sila pa mismo ang nakaranas ng kapangyarihan ng Señor na minsan nang nagligtas at simula noon ay inaasahang parating magliligtas sa kanila sa kanilang mga pangangailangan. Ang kanilang pagdedebosyon ay kusang pagtanaw ng tinatawag nating utang-na-loob. kaakibat ang patuloy na pananampalataya sa patrong pinopoon. Ito ay walang iba kundi isang malinaw na halimbawa ng panalanging anamnesis na siyang pamamaraang gamit sa opisyal na liturhiya ng Simbahan kung saan ginugunita ang mga mapagligtas na gawa ng Panginoon upang hilingin na ganapin niyang muli sa kasalukuyan ang mga kababalaghang ginawa na niya sa nakaraan. Para bang sinasabi sa Diyos na, kung nagawa niyo po noon, anupa’t gawin niyo rin po para sa amin ngayon!

Para naman sa isang intelektwal, mahirap maunawaan ang ganitong phenomenon, lalo na sa paraan ng pagpapahayag nito na lumalapit na yata sa kahibangan. Taon-taon, marami ang naaaksidente at minsan ay mayroon pang ilang nagbubuwis ng buhay lalo na sa araw ng pista dahil na lang sa simpleng kapal ng mga debotong dumadalo dito. Mistulang hindi rin “praktikal“ ang dumayo pa sa Quiapo at gumastos kung mayroon namang mga simbahang higit na malapit sa kani-kanilang mga tinutuluyan. Hindi pa kasama dito ang malaking halaga ng binubuhos na salapi ng mga deboto upang tustusan ang kulto ng Nazareno: mga mamahaling pabango at damit, malaking dambana, maringal na pista. Mistulang hindi nga matalino o matino ang magdebosyon sa Nazareno!

Ang buod ng suliranin sa palagay ko, ay hindi ang mismong phenomenon ng pananampalataya, kundi ang tindi ng tugon ng taong nananampalataya na lumalampas at dumadaig sa sukat na kayang itakda at ilagda ng ating katwiran. Habang may nakikitang katwiran ang mga deboto para sa kanilang malabis na pagdedebosyon, (sapagkat para sa kanila, hindi pa nga ito sapat o malabis bagkus ay kulang na kulang pa rin upang “masuklian” man lang ang biyayang kanilang nakamtan) sabay hindi rin maka-katwiran ang pagdedebosyon sa Nazareno at kung tutuusin ay maari ngang sabihing humihipo na sa mga hangganan ng kalabisan at kahibangan na para sa taong nananampalataya ay pananampalataya ngunit sa taong bumabatikos ay panatisismo.

Kaibhan sa Pagtingin
Hawig din yata ang karanasan ng naligtas at nabiyayaan sa karanasan ng tatlong haring mago sa Banal na Kasulatan na pagkakita sa Sanggol na kalong ng kanyang ina ay dagliang nagsipatirapa sa harap niya[8]. Para sa mga taong marunong at mataas ang kinalalagyan sa lipunan, nakagugulat ang makakita ng ganitong uri ng pagtugon sa harap ng isang dukhang mag-ina. Ngunit ang kaibhan ay naroon yata sa kanilang nakita at naranasan na mahirap makita kung gagamitin lamang ang ating pagmamatino at pangangatwiran. Dito tunay at tiyak na natagpuan nila ang Diyos, maging sa hindi inaasahang kalagayan, at ang kusa at kagyat nilang tugon—na marahil ay hindi na nila kinailangan pang sukatin o pag-isipan—ay ang sumamba nang buong isip, buong loob at buong katawan pa nga sa harapan niya na agad nilang batid ay siyang tugon na pinaka-ubod ng katwiran.

Ang taong hindi nakasalo sa biro, makitawa man siya, ay mananatiling nagtataka kung bakit nagsitawang lahat ang mga kasama niya. Ngunit para sa mga taong nakasalo sa biro, kusa at hindi mapigilan ang pagtawa—kahit hindi na pagmuni-munihan o pagbulay-bulayan pa. At hindi na nga! Ito marahil ang ugat ng ating tanong at suliranin: mayroong kaibhan sa nakita.

Para sa taong nananampalataya, (homo religiosus) sabi ni Eliade, may malaking kaibhan ang panahon o lunan na kinatagpuan at tagpuan niya at ng Lubhang Banal, isang matindi at makahulugang kaibhan. Namasid rin niya na para sa sumasampalataya, nauuna ang lantay na karanasan ng Lubhang Banal (primary religious experience) bago ang anupamang pagninilay sa daigdig. Sa isang tunay na pagpapamalas ng Banal, nababago ang lahat ng kahulugan sa buhay ng isang tao. Kung kaya’t hindi na nagiging bahagi ang Lubhang Banal ng dati nang umiiral na daigdig ng kahulugan at katwiran bagkus nahuhulog ang lahat sa palibot ng karanasan ng pakikitagpo sa Lubhang Banal na nararanasan niya bilang pinakatunay, at hindi mapagkakamaliang katotohanan. Nag-iiba ang kanyang paningin sa daigdig—sapagkat may nakita siya at mula noon, may nakikita na!

Para naman sa taong hindi pa nakararanas sa Lubhang Banal, mistulang pare-pareho lang (amorphous, homogenous) ang kapatagan ng daigdig. Datapwat kung ano ang ikinikilos ko sa harap halimbawa ng aking magulang, guro o ng sinumang nakatataas sa akin, halos ganoon lang o ganoon na ganoon rin, ang dapat na ikilos ko sa harapan ng Lubhang Banal. Giit pa ni Eliade na hindi lubusang mapanghahawakan ang ganitong paninindigan sapagkat maging sa taong hindi naniniwala sa Lubhang Banal, mayroon pa ring maaaninagan at di-maiiwasang bakas ng pagtatangi na hawig sa karanasan ng relihiyosong pagtatangi (religious valorization) ng taong sumasampalataya.

Ang tunggalian ng pagtingin sa kulto ng Nazareno bilang pananampalataya at bilang panatisismo ay magpapatuloy sapagkat hindi makapagtatagpo sa isang pantay na lugar ang isang taong sumasampalataya at isang nagmamatinong ipaliwanag gamit ang katwiran ang para sa kanya ay isang kakatwang phenomenon ng pananampalataya. Ang labis para sa taong hindi sumasampalataya kung tuusin ay kulang-na-kulang pa sa taong sumasampalataya na sukat ipagpapalit ang lahat-lahat sapagkat nasumpungan niya ang “perlas na pinakamahalaga”[9] na simula noon ay nagbago at nagtakda na sa lahat ng kanyang pagpapahalaga, nagtatatag sa kanyang buhay at daigdig sa palibot nito.

Ilang Panimulang Tugon
Makikitang may katotohanan sa napagmasid ni Reyes, ngunit para sa isang taong tunay ang pananampalataya, ang pista ay hindi isang “pista-opisyal” mula sa “mahabang taon ng pamumuhay nang hindi ayon sa turo ni Kristo” bagkus pina-sentro ng lahat ng panahon na nagiging “base” ng kanyang pamumuhay ayon sa halimbawa at aral ni Hesus. Dito siya bumabalik-balik at umuuwi upang sariwain ang kanyang kaugnayan sa Panginoon na kung wala ay wala rin namang katuturan ang pamumuhay kuno ng ayon sa pananampalataya na wala namang ugat liban sa kanyang isip.

“Magiging edukado ba ako o deboto?” Maaring pareho! Malabis at napakayabang naman yata kung pupulaan ng taong edukado ang deboto bilang taong nag-iisip, lalo’t hindi naman niya lubos na nauunawaan ang pinagbubukalan ng ganitong pananampalataya at sadyang labis na pagpapahayag ng damdamin. Maaring maging isang edukado sabay deboto nang hindi ipinaghihiwalay ang dalawa. Mistulang hindi man makatwiran, sabay malinaw na nakikita ng sumasampalataya ang katwiran nito.

Marami man ang pagkukulang ang mga debosyong popular, tulad ng sa aspeto ng pagsasabuhay at pagdaloy ng ganitong pananampalataya sa pang araw-araw na pag-uugali at gawi, hindi pinawawalang-bisa nito ang kahalagahan ng mga pagdedebosyon na simpleng pagpapahayag ng simpleng pananampalataya ng mga simpleng tao, ayon sa kanilang kultura at abot-kaya. Kung tutuusin, taglay ng mga ito ang karunungang mula sa karanasan ng maraming tao at taong nagdaan.

Ang pagdiriwang lamang sa Liturhiya ay hindi ang hangganan ng pagsamba ng Simbahan. Alinsunod sa halimbawa at turo ng Panginoon, ang mga alagad ni Kristo ay nananalangin sa katahimikan ng kani-kanilang mga silid (cf. Mt 6, 6) at nagtitipon rin upang manalangin ayon sa mga pamamaraang kinatha ng mga taong nakaranas nang matindi sa Banal na nagpapalakas ng loob ng mga mananampalataya at nagtuturo sa kanila tungo sa mga tanging aspeto ng misteryo ni Kristo. Sumasamba rin sila ayon sa mga balangkas na kusang lumilitaw sa diwa ng Kristiyanong sambayanan kung saan ipinapahayag nang ayon sa kulturang popular ang pinakabuod ng Ebanghelyo. (Talaan ukol sa Debosyong Popular at ang Liturhiya, 82)

Mahal-Banal
Sa kanyang Pilosopiya ng Relihiyon, tinutukoy ni Padre Roque Ferriols, SJ ang karanasan ng Diyos bilang karanasan ng Mahal-Banal. Tunay nga, ang sumasampalataya ay nakararanas sa Banal bilang kanyang minamahal, pinakamamahal.

Para sa taong nagmamahal—at naniniwala ako na ang lahat ng tao, kahit ang mga hindi sumasampalataya sa Diyos ay marunong ding magmahal at maunawaan sana nila kahit ito man lang, wala nang mas mahal pa kaysa sa kanyang mahal. Datapwat kung para sa kanyang mahal, walang bagay ang napakamahal para hindi ibigay. Walang-hanggan sapagkat walang hanggan ang pag-ibig. Walang labis at walang lampas sapagkat ang pag-ibig ay bukas at wagas.

Kung tutuusin, hindi marunong magbilang ang nagmamahal at laging lubos at buhos ang kanyang pagbibigay. Isipin at pagmunihan man ay hindi pa rin lubos mahuli ng pag-uunawa sapagkat ang pag-ibig, tunay mang makatwiran ay makatwiran sa isang paraang hindi-makakatwiran kung ang “katwiran ng patag” na katwiran ng hindi umiibig ang ating sukatan. Mahiwaga at hindi lubusang maipapaliwanag ngunit para sa taong umiibig, ang pag-ibig ang lumilikha ng sarili nitong daigdig, maging katwiran. Pag-ibig ang sarili nitong sukatan.

Ang Sukli ng Sakripisyo
Para sa taong sumasampalataya, utang-na-loob niya ang lahat-lahat sa kanyang Diyos kung kaya lahat man ay handa siyang ibigay bilang tanda ng pasasalamat, na kung tutuusin ay pawang nanggaling rin namang lahat sa Kanya, na may pananampalatayang hindi siya tatalikuran nito. Nararanasan niya ang Panginoon bilang saligan at nagpapadanay ng kanyang buong daigdig: universalis columna quasi sustinens omnia[10]. Datapwat nais niya ang palaging lumapit dito, sana pa ay manahan sa piling nito na kinikilala niya bilang sentro ng kanyang buhay at daigdig.

Anumang tugon isa lamang sakripisyo—isang salitang galing sa pinagsamang mga salitang Latin na sacer at facere: gawing Banal. Dalawang persona ang nagpapabanal sa lugar at panahon ng kanilang tagpuan: ang Panginoon na kusang nagbubukas ng kanyang sarili at ang abang taong nagbubukas-loob rin sa Diyos sa isang uring “puwang”[11] na sinasabi ni Eliade ay pook ng pagtawid paroo’t-panaog mula sa langit at lupa at lugar ng pakikipag-usap sa Lubhang Banal. Sapagkat hindi natin kayang lumipad nang diretso patungo sa langit, kailangan natin ang ganitong uring hagdan na ang Maykapal mismo ang kusang naglalawit.

Kung magkukwentahan, sasabihin ng taong sumasampalataya na ang kanyang tugon, gaano man kalabis sa mata ng nagmamasid, ay sukli lang. Palaging tanong at tanong na gumagawa ng sumasampalataya ang: Quid retribuam Domino pro omnibus quae retribuit mihi? Paano ako makasusukli sa Panginoon na nagbuhos sa akin ng lahat-lahat? Kung kaya’t hindi na tayo dapat pang magulat kung sukat ibuhos niya rin ang kanyang lahat-lahat.

Sa wakas, hindi pa rin natin masasagot nang tapos sa papel na ito ang umiiral na tanong: Pananampalataya ba o panatisismo ang kulto ng Nazareno? Bilang isang mag-aaral ng pilosopiya, magiging tapat lamang ako sa katotohanan kung iiwanan ko itong bukas pa rin. Hiling ko lang sana ay maging bukas rin at sikaping dumanas bago ang humusga. Maari rin sana ang magbaka-sakali: hindi isang pagbabakasakali na tumatantiya at naninigurado ngunit isang pagbabaka-sakali na mapagkumbabang naghahanap at totoong nauuhaw sa Lubhang Banal.

“Marami nang nakasumpong sa Panginoon dito, at malamang na narito nga Siya at masusumpungan ko rin.” Bilang sumasampalataya, batid ko na sa aking puso ang kasagutan.

***


Mga Nota

[1] Halimbawa, may malubhang sakit noon ang batang-bata kong pinsan nang imungkahi ng aking nanay na matagal nang deboto ng Nazareno na pumunta sila sa Quiapo at mamanata nang may hiling na pagagalingin ang bata. Bagamat masugid rin naman ang ginawang pagpapagamot sa ospital, ipinagpasalamat nila sa Panginoon ang paggaling ng murang sanggol na isang dalaga na ngayon. Mula noon, nagsisimba sila o “isinisimba” ang bata tuwing pista ng Quiapo upang tuparin ang kanilang panata sa Nazareno.

[2] Sinipi ng aklat na Christ in Philippine Context nina Douglas J. Elwood at Patricia L. Magdamo sa pahina 5 nito: “We are Christians at certain seasons of the year… our Christianity comes on and off according to certain dates of the calendar… Christianity it seems, is like some special holiday in a year of un-Christianity.”

[3] Parehong akda, pahina 11. “Shall I be educated or pious, for I cannot be both!”

[4] Si Mircea Eliade ay isang pilosopo, historyador ng relihiyon at manunulat na taga-Romania. Isa siya sa mga nangungunang tagapaglinaw ng Karanasan ng Lubhang Banal (religious experience) at ng tugon ng Tao sa karanasang ito sa pamamagitan ng pagsasa-alamat at pagsasa-ritwal.

[5] Tinawag na ganito sapagkat naging kusa at bukas-palad ang pagbibigay ng mga deboto kung kaya’t hindi na kinailangan pang lumikom ng pondo upang maitayo ang magarang Basilika, bagkus agad na itong bumuhos

[6] Ngayon, lahat ng mga lansangan ay patungo sa Quiapo. Bago pa ang Quirino Grandstand sa Luneta, ang Plaza Miranda na ang tumayong sentro ng buhay sa kabisera ng bansa kung saan idinaraos ang mga malaking pagtitipon tulad ng mga pambansang Miting de Avance ng mga partido tuwing sasapit ang panahon ng halalan.

[7] Genesis 28: 17. Pavensque quam terribilis inquit est locus iste non est hic aliud nisi domus Dei et porta caeli.

[8] Matthew 2:11. Et intrantes domum invenerunt puerum cum Maria matre eius et procidentes adoraverunt eum.

[9] Mt. 13: 46. Inventa autem una pretiosa margarita abiit et vendidit omnia quae habuit et emit eam.

[10] Sinipi ni Eliade mula kay Rudolf of Fulda sa kanyang pahina 35.

[11] Tingnan mga pahina 57-58.


Sanggunian

Congregation for Divine Worship and the Discipline of the Sacraments. Directory on Popular Piety and the Liturgy. (Lungsod ng Vaticano: Libreria Editrice Vaticana, 2001)

Eliade, Mircea. Sacred Space and Making the World Sacred. Sinipi sa A. Rodriguez, ed. Compilation of Readings for Ph103: Philosophy of Religion. (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University, 2006.)

Elwood, Douglas, J. at Patricia Ling Magdamo. Christ in Philippine Context. (Lungsod Quezon: New Day Publishers, 1991.)

Basilika ng Nazareno. Inside Quiapo. (Booklet)

________________. Minor Basilica of the Black Nazarene. (Leaflet)

________________. Nuestro Padre Jesus Nazareno: 400 Years. (DVD)

http://en.wikipedia.org/wiki/Mircea_Eliade

http://nazareno400.com/index.html

http://www.rcam.org/Homilies/2006/archbishop%20rosales/message_400_hundred_years_nazareno.htm

Para sa aking Ama at Ina,
na nagturo sa akin ng pananampalataya at pag-ibig.

1 Comments:

At 1:32 PM , Blogger gaohui said...

If you want to look ed hardy clothes and feel sexy, a Christian audigier maternity cocktail ed hardy shoes dress may be the ed hardy outlet fashion choice. There ed hardy Bikini are a variety ed hardy hats of cocktail dresses ed hardy swimsuits available, from a sexy ed hardy clothing black to an eye catching red. You can ed hardy glasses either choose a dramatic wrap-dress ed hardy or a sophisticated jersey dress. There ed hardy iphone cases are a variety of styles, patterns, and designs ed hardy dresses to suit any occasion. If you are looking for a bit more ed hardy Jackets dazzle, consider a comfy waist band mini skirt.

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home