Sunday, March 11, 2007

Ikalawang Araw: Huwaran ng Pagtalima sa Ama

Marso 17
Ikalawang Araw
San Jose, Huwaran ng Pagtalima sa Ama


PASIMULA

Puti ang kulay ng mga kasuotan, o lila kung panahon ng Kuwaresma. Magpuprusisyon patungo sa dambana gaya ng dati at magbibigay galang. Aawit ang lahat ng masayang awit.

Umawit Kayo!
(Arnel Aquino, SJ) /
Purihin ang Panginoon (Danny Isidro, SJ/ Fruto Ramirez, SJ)

Dadako ang pari sa upuan at pasisimulan ang pagdiriwang.

Pari:

Pasimulan natin ang ating pagdiriwang
sa Ngalan ng Ama at ng Anak
+
at ng Espiritu Santo.

Lahat: Amen.

Pari: Sumainyo ang Panginoon.

Lahat: At sumainyo rin.


PAMBUNGAD SA PAGDIRIWANG

Ipakikilala ng pari ang pagdiriwang sa ganito o katulad na mga salita:

Papurihan natin ang Diyos
habang patuloy ang ating pananabik
sa dakilang kapistahan ng ating pintakasing si San Jose.
Siya ang ating huwaran
sa pagtugon sa tawag ng Panginoon.

Humingi tayo ng tawad sa Diyos
sa mga pagkakataong nagkulang tayo
sa pagtitiwala, pagtalima at paghahanap sa Kanya.

Sandaling tatahimik ang lahat.


PANALANGIN NG PAGSISISI

Unang Seminarista:

Panginoon,
patawarin mo ang aming pag-aalinlangan
sa iyong pag-gabay at pag-akay sa amin,
ang katigasan ng aming kalooban at puso
sa pagsunod sa iyong tawag.
Ipagkaloob mo sa amin ang tapat na pananampalataya.

Mayroong tatlong ilawan sa dako ng altar. Sisindihan ang unang ilawan.

Ikalawang Seminarista:

Panginoon,
patawarin mo ang aming pag-aatubili
sa pagsunod sa iyong kalooban
ang pagmamaktol namin kung kami ay nabibigatan,
ang pagdadabog namin kung mahirap ang hinihingi mo sa amin.
Ipagkaloob mo sa amin ang wagas na pagtalima.

Sisindihan ang ikalawang ilawan.

Ikatlong Seminarista:

Panginoon,
patawarin mo ang aming pagliliwaliw
at pagkahumaling sa mga bagay ng mundong ito,
sa mga panahong nagpatianod kami at nagpakalat-kalat
nawindang at hindi ikaw ang naging direksyon ng aming buhay.
Ipagkaloob mo sa amin ang walang maliw na paghahanap sa iyo.

Sisindihan ang ikatlong ilawan.

Pari:

Kaawaan tayo ng makapangyarihang Diyos,
patawarin ang ating mga kasalanan
at akayin tayo sa buhay na walang hanggan.

Lahat: Amen.


PANALANGIN

Pari:

Manalangin tayo.

Sandaling tatahimik ang lahat.

Ama naming mapagmahal,
patuloy ang pagtawag mo sa amin
na sumunod sa iyong kalooban.

Ipagkaloob mo sa amin ang pagtalima ni San Jose
na laging naging handang tumugon sa iyong tawag
nang bukal sa loob at buong puso.

Sa Ngalan ni Kristong aming Panginoon.

Lahat: Amen.


PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS

Halos parating pumapatak sa panahon ng Kuwaresma ang mga araw na ito kung kaya’t ang gagamitin sa Misa ay yaong mga pagbasa ng Kuwaresma. Kung panahon ng karaniwang panahon, maaring gamitin ang mga mungkahing pagbasa.

Unang Pagbasa
Pagpapalain ang lahat sapagkat ikaw ay tumalima
Gen 22: 1-18

Salmong Tugunan
Narito Ako
Batay sa Salmo 40/ Rene San Andres

Ebanghelyo
Dali-daling bumangon si Jose
Mateo 2: 13-16


HOMILIYA

Ang pangaral sa mga araw na ito, lalo na kung panahon ng Kuwaresma kung kailan ibang mga pagbasa ang gagamitin, ay hindi lamang magbibigay tuon sa Ebanghelyo, ngunit maging sa mga itinakdang tema ng mga araw ng paghahanda at sa katauhan ni San Jose na sinisikap ipakilala sa pamamagitan ng triduum na ito bilang huwaran ng pagtugon sa tawag ng Diyos lalo at higit para sa pamayanan ng seminaryo.


PANALANGIN NG BAYAN

Pari:

Dumulog tayo sa ating Panginoon
nang may pusong bukas sa pagtalima sa Kanyang kalooban.

Panginoon, turuan mo kaming tumalima sa iyo.

Para sa Simbahan
sa mga sandaling mahirap at walang katiyakan.

Para sa ating Bayan,
sa panahon ng krisis at pangangailangan.

Para sa bawat isa sa atin,
kapag may takot at pangamba.

Para sa dagdag na bokasyon sa pagpapari,
sa panahon ng pagpili.

Para sa mahihirap
kung pinag-uusig ang kanilang pag-asa.

Pari:

Ama naming mapagmahal,
tinatawag mo kami.

Turuan mo kaming bumangon
tulad ng iyong lingkod na si San Jose.
Ipagkaloob mo sa amin ang kanyang pagtalima
upang laging maging handang sumunod sa iyo,
anuman at saanman.

Sa ngalan ni Kristong Aming Panginoon.

Lahat: Amen.

Magpapatuloy ang Misa sa karaniwang ayos. Maaring gamitin ang Pambungad ni San Jose, maliban kung sa panahon ng Kuwaresma.


PANALANGIN KAY SAN JOSE

Gaganapin matapos ang Panalangin Pagkapakinabang. Aawit and lahat ng angkop na awit. Samantala, iinsensuhan ng pari ang larawan ni San Jose.

Sa ‘Yong Piling (Roderick Castro – Marius Villaroman)

Matapos ay uusalin ng lahat:

Pintakasi naming San Jose,
sa seminaryong ito na itinatalaga sa iyong pamamatnubay,
hiling namin ang iyong patuloy na pamamagitan.
Ikaw ang aming halimbawa at huwaran,
ipakita mo sa amin ang iyong landas ng pagtugon sa tawag ng Diyos.

Tinawag ka ng Panginoon
sa gitna ng iyong buhay
upang sumunod sa kanya
sa landas na ipinatatahak niya sa iyo.
Dali-dali kang bumangon,
at walang pag-aatubili mong ginanap
ang sabi ng anghel.
Sinunod mo ang utos na Panginoon,
nang walang pagtutol
kahit sa gitna ng walang katiyakan.

Naging mabilis ang iyong puso
sa pagtalima sa Panginoon
‘pagkat lubos ang iyong pananalig sa kanyang pangangalaga
at hangad ng iyong puso ang sundin ang kanyang kalooban.

Ituro mo sa amin ang iyong pagtalima
sa pagtugon sa tawag ng Diyos
nang may pusong handa,
at bukas sa kalooban niya,
anuman, saanman,
kailanman.
Huwag nawa kaming matakot,
magpatumpik-tumpik,
o mag-alinlangan
sapagkat siya ay kasama namin
at hindi kami pinababayaan.

Ikaw ang aming Ama,
gabayan mo kami at patnubayan.
Ikaw ang aming huwaran,
samahan mo kami sa aming landas.
Ikaw na pumanday sa Panday ng mga alagad,
Hubugin mo kami sa wangis ng iyong Anak.

Amen.


HULING PAGBABASBAS

Aaanyayahan ng diyakono o ng pari na yumuko ang mga tao upang hingin ang pagbabasbas ng Diyos:

Nang may pananalig sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria
at ng ating pinatakasi na si San Jose,
dumulog tayo sa Diyos at hingin na igawad niya sa atin
ang kanyang pagpapala.

Sandaling tatahimik ang lahat.

Pari:

Diyos Ama ang pumapatnubay sa tanan.
Ipakita niya nawa ang kanyang pagkilos
at maging pangako sa ating pagbagtas.

Lahat: Amen.

Pari:

Si Hesukristo ang ating kasama,
Palagi niya nawang ipadama ang kanyang pananahan
at maging lakas natin at sandigan.

Lahat: Amen.

Pari:

Diyos Espiritu Santo ang Taga-aliw,
Siya nawa ang maging patnubay natin at tanglaw

lalo na sa panahon ng takot at karimlan.

Lahat: Amen.


Pari:

At pagpalain kayo ng Makapangyarihang Diyos
Ama, Anak
+ at Espiritu Santo.

Lahat: Amen.


PAGHAYO

Diyakono, o Pari:

Tapos na ang Misa,
Humayo kayong taglay ang pagpapala ng Diyos.

Lahat: Salamat sa Diyos.

Aawit ng angkop na awit.