Anti-Mining Rally Prayer Service
Tanod-Tanglaw para sa Kalikasang Iniibig ng Maykapal
Anti-Mining Prayer Vigil
September 14, 2010
Pambungad
PAGBATI
Pari o Diyakono:
Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.
R: Amen.
V. Sumainyo ang Panginoon.
R. At sumainyo rin.
PAMBUNGAD UKOL SA PAGDIRIWANG
Ipakikilala ang pagdiriwang sa ganito o katulad na mga salita.
Mga kapatid,
nagkakatipon tayo ngayon
upang ipahayag ang ating pananampalataya
sa ating Panginoong Maykapal,
na siyang may lalang, nangangalaga
at umiibig ng lubos sa sannilikha.
Bilang isang bayan,
ipamalas natin ang ating paninindigan
laban sa lahat ng pangaabuso at hindi makatuwirang paggamit
sa biyaya ng kalikasan.
Gisingin natin ang kamalayan ng bawat isa
upang magmalasakit sa ating daigdig
na kaloob sa atin ng Panginoon
upang ating pagyamanin, kalingain at paunlarin.
Sandaling katahimikan.
PAGDIRIWANG NG LIWANAG (LUCERNARIUM)
Naroon ang Siryo Paskwal sa gitna ng sambayanan, kalapit ng Krus at ng larawan ng Mahal na Birhen. Sisindihan ang Siryo Paskwal samantalang umaawit nang tuluyan ang lahat sa anyo ng Taize.
Liwanag ng buong mundo,
halina, Hesus, halina!
Ilaw ka ng puso ko, aleluya!
Namumuno 1:
Nagkakatipon kami Panginoon,
sa pag-aagaw ng liwanag at ng dilim.
Kaisa namin ang buong sangnilikha
na pinagbubunuan ng pag-asa at ng panimdim.
Tipunin mo kami at pangunahan
gaya noong una
nang inakay mo ang iyong bayan
kapara ng isang haligi ng apoy
sa gitna ng dilim at ng kawalan.
Sumisilong kami sa iyo,
kagaya ng mga inakay na umuuwi sa kanilang pugad
sa pagsapit ng dapit hapon.
Sapagkat kaisa ka namin sa aming pakikibaka
at ikaw ang mangunguna sa amin
sa makitid na landas patungo sa katarungan.
Namumuno 2:
Tunghayan mo kami Panginoon,
isang bayang nananalangin,
sa paligid ng iyong Ina,
kagaya noong una mong mga alagad
na nilukuban mo ng iyong Espiritu.
Umaasa kaming isusugo mong muli mula sa Ama
ang iyong Espiritu sa amin ngayon,
ang iyong banal na hiningang nagpapanibago sa sangnilikha
at apoy na nagpapa-alab sa aming mga puso
upang isakatuparan ang iyong Mabuting Balita.
Magpapatuloy ang pag-awit nang sandaling panahon. Sisindihan ng punong
tagapagdiwang ang sarili niyang sulo mula sa Siryo Paskwal.
Ngayong bumabalot ang dilim sa tanan,
supilin mo ang aming pangamba
at hayaan mong taglayin namin ang iyong liwanag
sa pagtatanod naming ito.
Tanglawan nawa nito ang aming mga puso at isip
upang kami rin ay magsilbing tanglaw sa bawat isa.
Ibabahagi niya ang ningas sa bayan.
PANALANGIN NG PAGSISISI
Unang Kinatawan:
Panginoong mahal,
iniibig mo at kinakalinga ang kalikasan.
Ipinagluluksa namin ang pagkasira ng iyong sangnilikha
na dumadaing sa iyong harapan
dahil sa aming kapabayaan at kawalan ng pakialam,
dahil sa aming pang-aabuso at katakawan,
dahil sa aming pagkamakasarili at kasakiman.
Sa biyaya ng iyong muling pagkabuhay,
pukawin mo sa amin ang pagnanasang magbagong-loob
at magmalasakit nang buong puso para sa aming daigdig.
Taga-awit: Panginoon, maawa ka sa amin.
Bayan: Panginoon, maawa ka sa amin.
Magsisindi ng isang ilawan sa harapan ng Krus.
Ikalawang Kinatawan:
Panginoong mahal,
Ipinagkaloob at ipinagkatiwala mo sa amin ang kalikasan.
Ipinagpapasalamat namin ang aming mga kabababayang
Nagmalasakit at patuloy na nagmamalasakit sa iyong sangnilikha
Sa kanilang paglalaan ng oras at lakas
at pagbibigay ng sarili upang pangalagaan at ipagtanggol ito
minsan, maging hanggang sa pagbubuwis ng dugo at buhay.
Sa biyaya ng iyong muling pagkabuhay,
pag-alabin mo ang apoy ng aming pananagutan
upang manindigan kami para sa aming daigdig.
Taga-awit: O Kristo, maawa ka sa amin.
Bayan: O Kristo, maawa ka sa amin.
Magsisindi ng isang ilawan sa harapan ng Krus.
Ikatlong Kinatawan:
Panginoong mahal,
Ikaw ang aming tanglaw sa gitna ng karimlan.
Ipinapanalangin namin ang aming mga kapatid
na ngayon ay nagtitipon sa pook na ito
upang talakayin ang pagmimina.
Bigyan mo po sila ng diwang maalam at makatarungan,
ng malawak na pag-iisip at pusong mapagmalasakit.
Sa biyaya ng iyong muling pagkabuhay,
liwanagan mo ang kanilang mga isip at puso
upang isaalang-alang nila
hindi lamang ang kanilang mga sariling interes at negosyo
kundi ang kapakanan ng kalikasan
at karapatan ng buong sangkatauhan
lalo na ng mga mahihirap at ng mga susunod na henerasyon
upang pakinabangan at tamasahin
ang biyaya ng kalikasang kaloob mo sa aming lahat.
Taga-awit: Panginoon, maawa ka sa amin.
Bayan: Panginoon, maawa ka sa amin.
Magsisindi ng isang ilawan sa harapan ng Krus.
Pari: Kaawaan tayo ng makapangyarihang Diyos,
patawarin ang ating mga kasalanan
at patnubayan tayo sa buhay na walang hanggan.
Bayan: Amen.
PAMBUNGAD NA PANALANGIN
Manalangin tayo.
Sandaling katahimikan
Diyos ng sanlibutan
Nilikha mo ang daigdig dala ng awa mo’t pagmamahal
Sa taong nilalang mo sa wangis mo at larawan.
Isugo mo ang iyong Espiritu
upang panibaguhin ang mukha ng sangtinakpan
at buhayin sa aming mga puso ang matibay na paninindigan
upang sa aming pagmamalasakit at pagkalinga sa kalikasan
isabuhay namin ang atas mo at aral
na kami’y maging tulad at kaisa mo
bilang bathalang ama at pastol
sa aming pamamahala at pagkalinga sa lahat mong nilalang.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.
Bayan: Amen.
Pagdiriwang ng Salita ng Diyos
UNANG PAGBASA
Nilikha ng Diyos ang sanlibutan na mabuti at ipinagkatiwala sa atin upang alagaan
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis 1 – 2,3.
Sa simula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa. Noon ang lupa ay walang anyo at walang laman, at ang kalaliman ay natatakpan ng kadiliman, ngunit ang Espiritu ng Diyos ay umaaligid sa ibabaw ng mga tubig.
Winika ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag.” At nagkaliwanag. Nakita ng Diyos na mabuti ang liwanag at pinaghiwalay niya ang liwanag at ang kadiliman. Tinawag ng Diyos na Araw ang liwanag at Gabi ang kadiliman. At nagkahapon at nagkaumaga, unang araw.
Winika ng Diyos, “Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng mga tubig upang paghiwalayin ang mga tubig.” At nagkagayon nga. Ginawa ng Diyos ang kalawakan sa pagkakahiwalay ng mga tubig na nasa ilalim ng kalawakan at ng mga tubig na nasa ibabaw nito. Tinawag ng Diyos na Langit ang kalawakan. At nagkahapon at nagkaumaga, ikalawang araw.
Pagkaraan ay winika ng Diyos, “Mapisan sa isang dako ang mga tubig na nasa ilalim ng mga langit at lumitaw ang dalatan.” At nagkagayon nga. Tinawag ng Diyos na lupa ang dalatan at mga Dagat ang mga natipong tubig. At nakita ng Diyos na iyon ay mabuti.
Pagkaraan ay winika ng Diyos, “Sibulan ng halaman ang mga lupa: mga halamang nagkakabinhi at lahat ng uri ng namumungang punong kahoy sa lupa na ang bunga ay may binhi.” At nagkagayon nga. Ang lupa ay sinibulan ng halaman: mga halamang nagkakabingi at lahat ng uri ng punong kahoy na namumunga ng bungang may binhi. Nakita ng Diyos na iyon ay mabuti. At nagkahapon at nagkaumaga, ikatlong araw.
At winika ng Diyos, “Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng mga langit upang paghiwalayin ang araw at ang gabi, at maging palatandaan ng mga pana-panahon, ng mga araw at ng mga taon. Maging mga tanglaw sila sa kalawakan ng mga langit upang magbigay ng liwanag sa lupa.” At nagkagayon nga. Gumawa ang Diyos ng dalawang malalaking tanglaw: ang lalong malaki upang mamuno sa araw at ang lalong maliit at upang mamuno sa gabi, at gumawa siya ng mga bituin. Sila ay inilagay ng Diyos sa kalawakan ng mga langit upang sumikat sa lupa, upang mamuno sa araw at sa gabi at upang paghiwalayin ang liwanag at ang kadiliman. Nakita ng Diyos na iyon ay mabuti. At nagkahapon at nagkaumaga, ikaapat na araw.
Winika pagkatapos ng Diyos, “Mapuno ang mga tubig ng mga buhay na kinapal at sa itaas ng upa ay magsilipad ang mga ibon sa ilalim ng kalawakan ng mga langit” At nagkagayon nga. Nilalang ng Diyos ang mga dambuhala sa dagat, ang lahat ng uri ng kinapal na buhay na lumalangoy na lubhang marami sa dagat, at ang lahat ng uri ng ibong may pakpak. Nakita ng Diyos na iyon ay mabuti.
Sila’y pinagpala niya na ang wika, “Kayo’y magsipagsupling, magpakarami at lumaganap sa tubig ng karagatan, at magpakarami ang mga ibon sa lupa.” At nagkahapon at nagkaumaga, ikalimang araw.
Winika ng Diyos, “Bukalan ang lupa ng lahat ng uri ng kinapal na may buhay: mga bakahan, mga kinapal na gumagapang at mababangis na hayop.” At nagkagayon nga. Ginawa ng Diyos ang lahat ng uri ng mabangis na hayop, lahat ng uri ng bakahan, at lahat ng uri ng kinapal na gumagapang sa lupa. At nakita ng Diyos na iyon ay mabuti.
Winika ng Diyos, “Gawin natin ang tao na kalarawan natin, ayon sa ating larawan, at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa karagatan, sa mga ibon sa himpapawid, sa mga bakahan, sa lahat ng mabangis na hayop at sa lahat ng kinapal na gumagapang sa lupa.”
Nilalang ng Diyos ang tao na kalarawan niya.
Sa larawan ng Diyos, nilalang siya.
Sila’y nilalang niyang lalaki at babae.
Pagkaraan ay pinagpala sila ng Diyos at winika sa kanila, “Kayo’y magsipagsupling at magpakarami: lumaganap kayo sa lupa at pamahalaan ito. Magkaroon kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa karagatan, sa mga ibon sa himpapawid, sa mga bakahan, at sa lahat ng hayop na gumagapang sa lupa.” Winika rin ng Diyos, “Ibinibigay ko sa inyo ang lahat ng halamang nagkakabinhi sa sangkalupaan at lahat ng punong kahoy na namumungang may binhi upang maging pagkain ninyo. Sa lahat ng mabangis na hayop sa lupa, sa lahat ng ibon sa himpapawid, sa lahat ng gumagapang sa lupa at may hininga ng buhay ay aking ibinibigay na pinakapagkain ang lahat ng lunting halaman.” At nagkagayon nga. Nakita ng Diyos na ang lahat ng ginawa niya ay napakabuti. At nagkahapon at nagkaumaga, ikaanim na araw.
Sa gayon ay nayari ang mga langit at ang lupa at ang lahat ng kanilang palamuti. Nang ikaanim na araw ay tinapos ng Diyos ang kanyang ginagawa at sa ikapitong araw, siya ay namahinga sa lahat niyang gawain. Pinagpala ng Diyos ang ikapitong araw at ginawang banal sapagkat sa araw na iyon ay namahinga siya sa madlang gawang paglikha.
Ang Salita ng Diyos
Bayan: Salamat sa Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Batay sa Salmo 51, Noel Labendia, Marius Villaroman
Tugon: Panginoon, sa puso ko’y ituro mo, dunong ng puso mo.
1. Pusong dalisay likhain Mo sa ‘kin.
‘Sang diwang matatag sa puso ko’y ihain.
Sa piling Mo sa t’wina ako’y ilapit.
Diwa Mong banal h’wag Mong ipagkait.
2. Puso’y gawaran ng kaligtasan.
Patibayin sa akin tapat na kalooban.
Landas Mo ay aking ihahayag.
May sala sa ’Yo ay mapapanatag.
3. Mag-alay man ako susunuging handog
sa ’Yong damabana’y ’di kalugod-lugod.
Pusong nagsisisi tanging sapat sa ’Yo,
pusong nagmamahal, pusong laan sa ’Yo.
O kaya ay,
Likhain mong Muli
Albert Alejo, SJ - Manoling Francisco, SJ
Tugon:
Ilikha mo kami ng ‘sang bagong puso,
hugasan ang kamay na basa ng dugo.
Linisin ang diwang sa halay ay puno,
ilikha mo kami ng ‘sang bagong puso!
1. Itindig mo kami, kaming iyong bansa,
akayin sa landas patungo sa kapwa.
Ihatid sa piging na ‘yong inihanda,
itindig mo kami, kaming iyong bansa! (Tugon)
2. Amang Diyos, ‘yong baguhin ang tao’t daigdig
sa banal na takot, sambang nanginginig.
Ibalik ang puso’t bayang nanlalamig,
likhain mong muli sa pag-ibig. (Tugon)
IKALAWANG PAGBASA
Magdurusa ang mga mayayamang mapang-abuso
Pagbasa mula sa sulat ni apostol Santiago 5, 1-8
Kayong mayayaman, magsitangis kayo at humagulhol dahil sa mga sakunang inyong sasapitin. Nabulok na ang inyong kayamanan at sinira ng tanga ang inyong mga damit. Ang inyong ginto at pilak ay kinalawang, ito ang magsasakdal sa inyo at pupugnawin ang inyong laman tulad ng apoy. Nag-imbak nga kayo ng mga kayamanan sa huling araw!
Masdan ninyo, ang upa na inyong ipinagkait sa mga manggagawa na gumapas sa inyong mga bukid ay sumisigaw at ang daing ng nagsiani ay umabot sa pandinig ng Panginoon ng mga hukbo. Nagpakalayaw kayo sa ibabaw ng lupa at nagtamasa ng kasiyahan, at nagpataba kayong parang mga hayop hanggang sa araw ng pagkatay. Nagsihatol kayo at ipinapatay ang taong matuwid na walang kalaban-laban.
Magtiyaga sana kayo mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka ay matiyagang naghihintay sa mahalagang bunga ng lupa mula sa una hanggang sa huling ulan. Dapat rin kayong magtiyaga sapagkat nalalapit na ang araw ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos
Bayan: Salamat sa Diyos.
PAGPUPUGAY SA EBANGHELYO
Aleluya
Manoling Francisco, SJ
Aleluya! Aleluya!
Kami ay gawin mong daan
ng iyong pag-ibig, kapayapaan at katarungan.
Aleluya!
EBANGHELYO
Hindi kayo makapaglilingkod ng sabay sa Diyos at sa kayamanan.
Sumainyo ang Panginoon.
Bayan: At sumainyo rin.
X Ang mabuting balita ng Panginoon ayon kay San Mateo 6, 19-24
Bayan: Papuri sa iyo, Panginoon.
Noong mga araw na iyon, winika sa kanila ng Panginoon:
Huwag kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa;
Dito’y may naninirang insekto at kalawang,
at may nakakapasok na magnanakaw.
Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit;
Doo’y walang naninirang insekto at kalawang,
at walang nakakapasok na magnanakaw.
Sapagkat kung saan naroroon ang inyong kayamanan,
naroroon din ang inyong puso.
Ang mata ang ilaw ng katawan.
Kung malinaw ang inyong paningin,
maliliwanagan ang inyong buong katawan.
Ngunit kung malabo ang inyong paningin,
mapupuno ng kadiliman ang inyong buong katawan.
At kung ang liwanag mo’y madilim,
ikaw nga ay tunay na nasa kadiliman.
Walang aliping makapaglilingkod nang sabay
sa dalawang Panginoon,
sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa,
paglilingkuran ng tapat ang isa, at hahamakin ang ikalawa.
Gayun din naman, hindi kayo maaring maglingkod nang sabay
sa Diyos at sa kayamanan.
Ang Mabuting Balita ng ating Panginoon.
Bayan: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.
HOMILIYA
Matapos ang pagpapahayag ng Ebanghelyo, magkakaroon ng maikling homiliya.
PANALANGIN NG BAYAN
Pari o diyakono:
Ang Panginoon ang ating tanging kayamanan.
Siya ang pinagmumulan ng lahat ng biyayang ating tinatamasa.
Ang lahat ay kanyang kaloob sa ating upang pagyamanin at palaguin upang sama-sama nating tamasahin at pakinabangan.
Buong pagtitiwala tayong dumulog sa kanyang harapan upang hingin ang ating mga pangangailangan at ang mga pangangailangan ng buong sandaigdigan:
Tugon: Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
- Para sa bayan ng Diyos,
nang walang-takot at walang-sawa niyang ipahayag
ang turo ng banal na kasulatan
ukol sa wastong paggamit at pangangalaga
sa ating yamang kalikasan.
Pagkalooban nawa ng tapang at talino
ang mga pinuno at bawat kasapi
upang manguna sa pagmamalasakit at pagtatanggol sa kalikasan
laban sa lahat ng pang-aabuso at kasakiman.
Manalangin tayo.
- Para sa mga pinuno ng ating bayan,
nang isulong nila ang tunay na makabubuti
para sa nakararami nating mga kababayan,
lalo na ang mga mahihirap,
at hindi lamang ang interes ng iilan.
Pagkalooban nawa ng karunungan at lakas ng loob
ang mga may katungkulan at naglilingkod sa pamahalaan
upang pangalagaan at ingatan ang ating likas na yaman
para na rin sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.
Manalangin tayo.
- Para sa mga nasa negosyo ng pagmimina
Nang matutunan nilang isaalang-alang
ang masasamang epekto nito hindi lamang sa ating kapaligiran
at sa buhay ng maraming mga tao
at hindi lamang ang kanilang mapakikinabangan.
Nawa’y bigyan sila ng Panginoon
ng pusong may pagmamalasakit sa kalikasan at sa mga dukha
at liwanagan ang kanilang mga isip at puso
upang gumawa ng mga nararapat, bagamat masakit na mga hakbang
upang itama ang kanilang mga pagkakamali
at tumahak sa tuwid na landas
Manalangin tayo.
- Para sa lahat nating mga kababayan
nang patuloy silang makialam at makisangkot
sa mga mahahalagang isyung nakakaapekto sa ating lipunan
lalo na sa mga isyung pangkalikasan
bilang mahalaga at hindi maihihiwalay na bahagi
ng kanilang pananampalataya sa Diyos.
Nawa’y magtulungan ang lahat
upang pangalagaan at pagyamanin ang ating kalikasan
tungo sa tunay na ikabubuti at ikauunlad ng ating bansa.
Manalangin tayo.
- Para sa ating lahat na natitipon dito ngayon,
nang patatagin at pag-alabin tayo ng Diyos sa ating pakikibaka
para sa kalikasan laban sa lahat ng kasakiman at pagsasamantala.
Yamang siya ang nagturo sa atin
upang ibigin at alagaan ang yamang ito na ipinagkatiwala niya sa atin,
Siya rin nawa ang ating maging lakas at pag-asa
sa ating patuloy na pagtataguyod at pagtatanggol sa biyayang ito.
Manalangin tayo.
Pari o Diyakono:
Ang ating Ama sa langit ang siyang maykapal sa langit at lupa.
Kinakalinga niya ang buong sangnilikha at inaanyayahan tayo upang maging katuwang sa kanyang patuloy na pagpapala sa daigdig.
Lakas-loob nating awitin ang panalanging itinuro sa atin ng ating Panginoong Hesukristo.
Ama Namin...
PANGWAKAS NA PANALANGIN
Manalangin tayo.
Sandaling katahimikan
Diyos na walang hanggan,
dinggin mo ang bawat naming samo at dasal.
Pawiin mo sa aming mga puso
ang pagkamakasarili at kasakiman,
upang sa pagmamahal namin sa kalikasan
na ikaw ang puno at hangganan,
lubos ka naming ibigin at mapaglingkuran.
Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon.
Bayan: Amen.
PAGSISINDI NG MAGDAMAGANG ILAW PARA SA KALIKASAN
Sisindihan ng mga kinatawan ng mga grupong kasapi sa pagkilos ang magdamagang ilaw mula sa ningas ng Siryo Paskwal.
Iniaalay namin sa iyo Panginoon,
ang ningas ng magdamagang ilaw na ito
na iniuukol namin para sa aming Inang kalikasan.
Tanggapin mo ito bilang isang panalangin
at tunghayan mo nang malugod ang aming mga adhika
para sa paggalang at wastong paggamit
sa mga likas yamang kaloob mo sa amin.
Nawa’y magsilbi itong palagiang paalala
na magmatyag, magtaya at makisangkot
at huwag manatiling malamig at walang paki-alam.
Ang init nawa nito ay sumagisag
sa rubdob ng aming pagmamalasakit at pakikibaka
at ang ilaw ay manatiling hamon na magbigay tanglaw kami
sa gitna ng dilim ng pagkamakasarili at kasakiman.
Ang iyo nawang Espiritu,
na aming tinanggap sa pagpapahid ng langis,
ay siyang magpaalab sa sarili naming ningas
upang kami may ay maging ilaw,
ayon sa tawag ni Kristo, para sa sanlibutan,
lalo’t higit sa aming bayang sinisinta.
Maria, Ina ng Pilipinas, ipanalangin mo kami.
San Lorenzo Ruiz, ipanalangin mo kami.
Beato Pedro Calungsod, ipanalangin mo kami.
HULING PAGBABASBAS
Pari o Diyakono: Sumainyo ang Panginoon.
Bayan: At sumainyo rin.
Yumuko kayo at hilingin ang pagpapala ng Diyos.
Yuyuko ang lahat samantalang iginagawad ang pagbabasbas:
Diyos Ama ang lumalang at nagpapanatili sa tanan,
Siya nawa ang gumabay at pumatnubay sa ating paglalakbay.
Bayan: Amen.
Si Hesus ang Daan patungo sa Ama,
Siya nawa ang manguna sa atin at maging lakas natin sa tuwina.
Bayan: Amen.
Ang Espiritu Santo ang Tanglaw sa ating landas,
kapara ng hanging hilaga na umiihip at nagtuturo,
akayin niya nawa tayo tungo sa kapayapaan at katarungan.
Bayan: Amen.
At pagpalain kayo ng makapangyarihang Diyos,
Ama at Anak X at Espiritu Santo
Bayan: Amen.
Humayo kayong taglay ang kapayapaan
upang ang Panginoon ay mahalin at paglingkuran.
Bayan: Salamat sa Diyos.
Download the PDF File here.
2 Comments:
0822jejeIl y a air jordan basketball ball en fait tant de regards que vous pouvez accomplir en tant que air jordan 1 mid avis mariée, du look typique de cérémonie de mariage blanc, pour la asics baskets mariée colorée de Bollywood, ou même posséder un costume à thème. Adidas Zx Flux Chaussures Rouge Les perspectives sont garanties avec 100% de satisfaction air jordan 4 noir femme quand ils passent leurs commandes de produits et de Nike Air Presto Homme solutions de vêtements Bapes en ligne. Vous lirez beaucoup de souffrances de Air Jordan 12 Homme cette douleur ont obtenu leur soulagement simplement de l'art de la marche.
fila shoes
christian louboutin outlet
moncler
jordan shoes
paul george shoes
air jordan
christian louboutin outlet
nike sneakers for men
michael jordan shoes
coach outlet
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home