Friday, March 24, 2006

Confessio Peccati


CONFESSIO PECCATI
Para sa mga panahon ng krisis politikal (Pebrero-Marso 2006)

Sa lugar ng Kyrie.

Unang Kinatawan:

Panginoon ng katarungan at katotohanan,
tinatawag mo kami upang magpahayag ng pagpapalaya sa mga nakapiit
at ng mabuting balita sa mga dukha.

Humihingi kami ng tawad para sa aming mga kawalang-pakialam,
para sa aming paghuhugas-kamay at pagtuturuan,
sa halip na makipagtulungan upang makamit ang pagbabago sa aming bayan,
para sa mga panahong sinisi naming ang iba, ngunit hindi kami nakisangkot.

Sandaling katahimikan (3-5 segundo)

Sa biyaya ng iyong muling pagkabuhay,
buksan mo ang aming mga puso sa bawat isa.

Punong Tagapagdiwang o Taga-awit:

Panginoon, maawa ka sa amin.

Lahat:

Panginoon, maawa ka sa amin.

Iilawan ang isang ilawan sa paanan ng krus.


Ikalawang Kinatawan:

Panginoon ng kalayaan at ng pag-asa,
tinatawag mo kami upang upang magsilbing liwanag sa mga nasa kadiliman,
at maging lebadura ng pagpapanibago sa aming daigdig.

Humihingi kami ng tawad para sa aming mga kawalang pag-asa,
para sa aming pagsuko at marahil pagpayag sa mga katiwalian sa aming lipunan,
sa mga panahong hindi kami naniwala sa aming mga sarili, sa aming kapwa, at
sa Iyo.

Sandaling katahimikan (3-5 segundo)

Sa biyaya ng iyong muling pagkabuhay,
bigyan mo kami ng bagong lakas upang bumangon sa aming pagkakalugmok.

Punong Tagapagdiwang o Taga-awit:

O Kristo, maawa ka sa amin.

Lahat:

O Kristo, maawa ka sa amin.

Iilawan ang isang ilawan sa paanan ng krus.


Ikatlong Kinatawan:

Panginoong ng pag-ibig at kapayapaan,
tinitipon mo kami sa buklod ng iyong pagmamahal
bilang isang bayang magkakapatid at nagmamalasakitan.

Humihingi kami ng tawad para sa aming mga pagkamakasarili,
para sa aming pagpikit ng mata at tainga sa mga pangangailangan ng aming kapwa,
sa aming pagpapabaya sa mga naghihikahos,
sa aming hindi pakikinig sa mga himutok at hinaing ng bawat isa,
para sa mga panahong sarili lamang naming ang aming iniintindi.

Sandaling katahimikan (3-5 segundo)

Sa biyaya ng iyong muling pagkabuhay,
palayain mo kami upang yakapin ang bawat isa.

Punong Tagapagdiwang o Taga-awit:

Panginoon, maawa ka sa amin.

Lahat:

Panginoon, maawa ka sa amin.

Iilawan ang isang ilawan sa paanan ng krus.

Punong Tagapagdiwang:

Kaawaan tayo ng makapangyarihang Diyos,
patawarin tayo sa ating mga kasalanan,
at patnubayan tayo sa buhay na walang hanggan.

Lahat:

Amen.